(BERNARD TAGUINOD)
SA wakas ay matutuldukan na ang kalituhan hindi lamang sa mga residente kung Montalban o Rodriguez ang itatawag sa kanilang bayan.
“An expression of the people’s will and an end to confusion”.
Ganito inilarawan Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles matapos maging batas ang panukala nito na ibalik sa dating pangalan na Montalban ang bayan ng Rodriguez.
“Sa wakas, mareresolba na ang ilang dekadang kalituhan na dala ng isyung ito. Republic Act No. 11812 now puts a stamp of authority on the widely-accepted practice of calling our town Montalban, and ourselves, Montalbeños,” ani Nograles.
Sa kanyang House Bill (HB) 8899 noong 8th Congress, ipinababalik nito sa pangalang Montalban ang bayan ng Rodriguez at bagamat hindi ito pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay naging otomatikong batas noong Hunyo 2.
Ang nasabing bayan ang may pinakamaraming populasyon sa lalawigan ng Rizal na umaabot sa 443,954 base sa census noong 2020.
Ang Montalban na itinatag noong 1901 ay hango sa salitang Kastila na “monte” o “mountain” dahil sa mga bundok na nakapaligid sa nasabing bayan.
Subalit noong 1982, pinalitan ito sa pangalang Rodriguez bilang pagkilala kay dating Senate President Eulogio Rodriguez, Sr. na mula sa bayan Montalban.
Noong 18th Congress, inihain ni Nograles ang nasabing panukala base sa kahilingan ng kanyang mga constituent kung saan nakapasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso at nakarating sa Office of the President (OP) at bagama’t hindi pinirmahan ni Duterte ay otomatikong naging batas makalipas ang 30 araw na hindi pag-aksyon ng Pangulo.
“Ipinangako natin sa mga kababayan nating nakiusap na ilalaban natin ang pagbalik ng Montalban, kaya nagagalak akong ibalita na natupad ito,” ayon sa Harvard trained lawyer.
Naging case study rin umano ng ibang bayan ang karanasan ng Montalban sa pagpapalit ng bayan ng mga lugar at landmark.
“Legislating custom is tricky. Hindi natin maaaring ipilit na tanggapin ng taumbayan basta-basta ang pangalan na nais natin. Usapin din kasi ito ng kasaysayan, ng nakasanayan, at pagbibigay-saysay natin sa lugar,” dagdag pa nito.
