BENEPISYO NG SAF 44 ‘WAG IBITIN – MARCOS

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos kay Presidente Rodrigo Duterte na siguraduhing hindi atrasado ang mga medal of valor benefits para sa pamilya ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na namatay sa 2015 Mamasapano tragedy tatlong taon na ang nakaraan.

Sa harap ito ng nakatakdang paggunita ng ikaanim na anibersaryo ng trahedya sa nasabing munisipalidad ng Maguindanao, na naganap sa gitna ng “bara-barang operasyon” ng pulisya para madakip ang mga teroristang sina Zulkifli Abdhir, alias Marwan at Basit Usman.

“Patuloy ang hinanakit ng mga pamilya ng magigiting na SAF 44 na naghihintay pa rin ng hustisya at ng atrasadong tulong pinansyal sa pang-hanapbuhay at sa edukasyon ng mga naiwang anak,” ani Marcos.

“Napakapersonal ng isyung ito sa akin dahil marami sa SAF 44 ay mga taga-Norte at kabilang sa mg IP (indigenous peoples), dagdag ni Marcos, pinuno ng Senate committee on cultural communities.

Aniya, naging napakaemosyonal ng Mamasapano tragedy nang isiwalat ng media na hindi inotorisahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang suspendidong dating Philippine National Police (PNP) chief Allan Purisima na isagawa ang operasyon sa teritoryo ng mga rebelde, kundi wala rin itong ginawa para isalba ang SAF 44 kahit marami pang oras matapos ang paulit-ulit na paghingi ng mga ito ng tulong o saklolo.

“Pinabayaang mamatay ang SAF 44 na tila mga tao-tao lang sa video game,” sinabi ni Marcos.

Lumala pa ang isyu makaraang kumalat ang video footage sa social media na nagpapakita ng gutay-gutay na katawan ng ilang tauhan ng SAF matapos silang maabutan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Moro Islamic Liberation Front, at private armed groups na pumuprotekta kina Marwan at Usman.

“Hindi na natin malalaman kung ano ang huling hiling ng bawat isang nasawi sa Mamasapano. Ngunit hindi natin dapat ilibing ang pag-asa ng mga naulila na makamit ang hustisya,” ani Marcos.

Inabswelto si dating pangulong Benigno Aquino III sa kasong reckless imprudence resulting in homicide noong 2017, ngunit sinabi ng Office of the Ombudsman na pwede pa rin magsimula ng panibagong imbestigasyon.

Nadawit din sa kaso sina Purisima at dating SAF chief Getulio Napeñas Jr. ngunit pinaboran sila ng Sandiganbayan nitong nakaraang taon. (NOEL ABUEL)

193

Related posts

Leave a Comment