CIGNAL SOSOSYO SA IKATLONG PUWESTO

volley66

(NI JOSEPH BONIFACIO/PHOTO BY MJ ROMERO)

Laro ngayon (Sabado):

(Filoil Flying V Centre)

4:00 p.m. — Marinerang Pilipinas vs PLDT

6:00 p.m. — Cignal vs Generika-Ayala

 

MAKASOSYO sa ikatlong puwesto ang hangarin ng Cignal ngayon sa pakikipagsagupa nito sa Generika-Ayala sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Aarangkada ang banggaan sa ganap na alas-6 ng gabi kung kailan susubok ang HD Spikers ng ikaapat na sunod na tagumpay upang masaluhan ang tenggang Foton (7-5) sa no. 3 spot papasok sa huling bahagi ng umaatikabong second round.

Sa ngayon kasi ay nasa ika-5 puwesto pa ang Cignal, nakabuntot lamang sa Foton at Generika-Ayala na tabla ngayon sa tersera sa likod ng wala pang galos na F2 Logistics (11-0) at kampeon na Petron (10-1).

Upang lalo pang makaaangat sa standings, sasakay ang HD Spikers  sa tatlong sunod na tagumpay nito kabilang na ang 25-23, 21-25, 25-14, 25-21 kontra sa Foton kamakalawa lang.

“We will prepare well for them like what we did to Foton,” said Cignal head coach Edgar Barroga. “We already learned from our mistakes the last time we took on Generika. And now we will work  harder,” ani head coach Edgar Barroga na nais ding ipaghiganti ang masakit nilang five-setter loss kontra sa Lifesavers noong nakaraang buwan sa Bacolod.

Bukod doon, may bentahe rin masasamantala ang Cignal lalo’t lalaban sila sa Generika-Ayala na wala ang kapitan nitong si Angeli Araneta dahil sa knee injury.

Aatasan ni Barroga na manguna sa atake ng HD Spikers para sa  ikaapat na sunod na tagumpay sina Rachel Anne Daquis, Mylene Paat at Jovelyn Gonzaga na umiskor ng 18, 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod sa kanilang panalo kontra sa Tornadoes.

Sa kabilang banda, hindi naman titiklop nang ganoon nalang ang Lifesavers kahit pa wala ang kapitan nito lalo’t nakahanda sina Fiola Ceballos at Patty Orendain na buhatin ang koponan.

Sa pagkawala kasi ni Araneta sa laban nila kontra Sta. Lucia, tila hindi ito naging problema para sa Generika nang maglista ng tig-15 puntos sina Ceballos at Orendain para akayin sila sa 25-17, 20-25, 25-14, 25-9 panalo kamakalawa.

“We have to move on from Araneta for now because our remaining games are crucial,” ani Meneses na aasa rin kay Ria Meneses upang suportahan ang Ceballos-Orendain duo.

“Our game against Cignal is very important to keep our chance at the third spot. But we have to focus on the team’s adjustment playing without Araneta first.”

162

Related posts

Leave a Comment