WASAK ang mamahaling Toyota Hi-Lux pick up ng Bureau of Customs (BOC) nang bumangga ito sa puno sa provincial road ng Brgy. Cabadiangan, Compostela, Cebu dahil sa kalasingan ng driver.
Ayon sa impormante ng Peryodiko Filipino Inc. (PFI) tagapaglathala ng SAKSI Ngayon, nakatulog sa sobrang kalasingan ang driver ng luxury government service vehicle sakayang ilan pang mga pasahero na karamihan ay hindi mga empleyado ng BOC.
Lulan ng sasakyan ang mga pasaherong kinilalang sina Neil, Bryle, Bim-Bim, Jeorge at Glenda na siyang nagmamay-ari ng bahay kung saan naganap ang inuman bago ito sumalpok sa puno noong nakaraang ika-10 ng Oktubre.
Sa mga pasahero tanging si X-Ray Inspector, XIP Cebu, SAI Neil Napoleon C. Almirante ang empleyado ng BOC at mga sibilyan na ang lahat ng sakay nito pati na ang nagmamaneho ng nawasak na mamahaling service vehicle na napag-alaman din na hindi awtorisado ng pamunuan ng customs.
Dagdag ng impormante “dinedenggoy” lang umano nina Joey Reyes, Field Officer, X-Ray Inspection Project Cebu at Almirante si Commissioner Rey Leonardo Guerrero nang gumawa at magsumite ang mga ito ng ‘talahib’ o pekeng “detailed incident report” dahil walang katotohanan at pawang kasinungalingan ang laman ng naturang report.
Imposible umanong magkaroon ng truck sa lugar na pinangyarihan ng aksidente dahil bawal dumaan ang mga ganitong uri ng sasakyan sa naturang provincial road at sadyang lasing lang ang driver dahilan kaya ito ay nakatulog at bumangga.
Ayon sa kanyang notaryadong affidavit, hugas-kamay agad si Reyes nang sinabi nitong binigyan niya ng pahintulot bilang “secondary custodian” ng wasak na luxury service vehicle si Almirante bagamat ito ay “verbal authority” lamang.
Ani ng impormante na insider rin sa BOC, dapat ay panagutin ni Guerrero sina Reyes at Almirante sa ilegal na paggamit ng public property at pagkawasak nito ganundin ang pamemeke sa nilalaman ng isang opisyal na dokumento tulad ng customs office memorandum na nagsasaad ng maling report.
Kinuwestyon din ng impormante ang pagtatalaga ni Guerrero kay Ernesto C. Enriquez bilang acting chief ng X-Ray Inspection Project kahit ito ay isa lamang consultant sa Office of the Commissioner at hindi regular o permanenteng empleyado ng gobyerno.
Patuloy umanong nilalabag ni Guerrero ang civil service law sa pagbigay ng maselang posisyon kay Enriquez kahit wala ito sa plantilya ng mga regular na BOC employees at kulang sa eligibility sa ilalim ng batas.
Napag-alaman ng PFI sa impormante na si Enriquez ang tinutukoy na padrino ni Reyes kung saan siya umano ay ubod nang lakas at hindi puwedeng galawin kahit pa mismo ni Guerrero dahil mag-‘mistah’ ang mga ito.
Patuloy na magbabantay ang impormante at insider kung ano ang magiging kaganapan sa insidenteng ito at nangako sa PFI na makikipag-ugnayan pa sa mga darating na araw hinggil sa ‘cover-up’ at sa pagkakakilanlan ni ‘Glenda.
465 