MAG-ASAWANG TIAMZON GUILTY SA KIDNAPPING

IKINAGALAK ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine ang ibinabang hatol na reclusion perpetua sa mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay sa kasong pagdukot sa isang army officer.

Ito ang kinumpirma ni AFP Public Affairs Office Chief Navy Capt. Jonathan Zata batay sa dokumentong kanilang nakuha mula sa korte kung saan ginawaran ang mag-asawa ‘in absentia’ ng reclusion perpetua o 40- taong pagkakakulong at pagbabayad ng mahigit P200,000 danyos sa complainant na si Lt. Abraham Claro Casis.

“The conviction of the Tiamzons is a victory for the many victims of atrocities of the NPA particularly orders to conduct murder, arson, extortion, ambushes, bombing and the like that they orchestrated,” ayon sa pahayag na inilabas kahapon ni Marine Major General Edgard Arevalo, commander ng AFP Education, Training and Doctrine Command at AFP spokesperson.

Ayon sa ibinabang hatol ni QC Regional Trial Court (RTC) Branch 216 Judge Alfonso Ruiz II, napatunayang nagkasala sina National Democratic Front (NDF) consultants Benito Tiamzon at asawa nitong si Wilma Austria Tiamzon, sa kasong kidnapping and serious illegal detention dahil sa pagdukot kay Lt. Casis noong 1988.

“The many victims of NPA atrocities and the Armed Forces of the Philippines (AFP) rejoice with the conviction of two top NPA leaders and CPP Central Committee members Benito and Wilma Tiamzon,” ani MGen. Arevalo.

Magugunitang nakalaya ang mag-asawang Tiamzon noong 2016 matapos maglagak ng P100,000 piyansa upang makiisa sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF.

Subalit muli silang ipinaaresto ng korte matapos ibasura ni Pangulong Duterte ang peace talks sa hanay ng CPP-NDF-NPA at ipawalang bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG

Bukod sa kidnapping, ipinagharap din ng kasong multiple murder ang mag-asawang Tiamzon matapos madiskubreng sangkot din sila sa maramihang ‘purging’ o pagpatay sa mga hinihinalang ‘missing link’ o napagbintangang mga espiya ng gobyerno nang madiskubre ang Inopacan mass grave sa Leyte.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang manhunt operations ng PNP-AFP laban sa mag-asawang Tiamzon.

Ang mag-asawang Tiamzon ay dating nakakulong sa PNP Custodial Center ng Kampo Crame. (JESSE KABEL)

173

Related posts

Leave a Comment