GEN Z ni LEA BAJASAN
MAY mga bagay na kahit gaano mo kamahal, alam mong hindi lahat ng lugar ay para sa kanila.
Ganoon dapat ang aso sa isang restaurant. Puwede silang isama kung pinapayagan.
Puwedeng ituring na pamilya. Puwedeng tawaging “fur baby.” Pero sana naman, huwag nang ilagay sa high chair na para sa mga bata.
Kamakailan, kumalat online ang larawan ng isang aso na nakaupo sa high chair sa isang Pizza Hut branch sa Market! Market! Marami ang nagtanong kung bakit napunta roon ang aso, lalo na’t ang naturang upuan ay para sa maliliit na bata. Dahil sa insidente, naglabas ng paglilinaw ang Pizza Hut na ang high chairs nito ay para lamang sa human toddlers. Para naman sa mga alagang hayop sa kanilang pet friendly na mga branch, dapat manatili ang mga ito sa personal na stroller o carrier.
At para sa akin, tama lang iyon.
Hindi ito tungkol sa pagiging kontra sa mga aso. Hindi rin ito tungkol sa pagsasabing marumi ang bawat alagang hayop. Ang problema ay simple lang: may tamang lugar para sa bawat bagay.
Kahit gaano kalinis ang aso, aso pa rin ito. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, maaaring magdala ang mga aso ng mikrobyo na puwedeng makapagdulot ng sakit kahit mukhang malusog at malinis ang mga ito. Kaya hindi naman kailangang hintayin pang may magkasakit bago isipin ang kalinisan. Lalo na kung high chair ang pinag-uusapan.
Hindi naman lihim na ang mga batang paslit ay hindi eksaktong modelo ng kalinisan. Kung ano ang mahawakan, hahawakan. Kung ano ang abot ng kamay, maaaring isubo.
Kaya isipin ang isang batang uupo sa high chair pagkatapos gamitin ito ng aso. Hindi ibig sabihin na siguradong may sakit na makukuha ang bata. Wala namang ebidensiyang nangyari iyon sa insidenteng ito. Pero bakit pa ilalagay ang isang alagang hayop sa lugar na susunod na gagamitin ng isang bata kung may mas angkop namang paraan para isama ang aso?
Dito pumapasok ang tinatawag na respeto sa shared spaces.
Maganda ang pagiging pet friendly. Masaya ring makita na may mga lugar na hindi kailangang iwan ng mga tao ang kanilang mga alaga kapag lalabas sila. Pero ang pagiging pet friendly ay hindi nangangahulugang puwede na ang aso sa lahat ng upuan,
mesa, o pasilidad. May mga bagay na may partikular na gamit. Ang high chair ay isa roon.
At hindi rin sapat na sabihin na “anak ko naman siya.”
Oo, maaaring pamilya mo ang aso. Maaari mo siyang mahalin na parang anak. Pero hindi kailangang ipaglaban na pareho ang lahat ng karapatan niya sa isang batang kumakain sa katabing mesa. May ibang pamilyang gumagamit din ng parehong espasyo. May ibang magulang na may sariling alalahanin. May mga batang hindi pa kayang intindihin kung
bakit kailangan nilang mag-ingat sa mga bagay na hinahawakan nila.
Kaya mahalin ang fur baby. Dalhin sa pet friendly na lugar. Bigyan ng treats. Piktyuran habang kumakain.
Pero kapag high chair na ang usapan, baka pwedeng umatras muna ang fur baby.
Dahil ang pagiging mabuting pet owner ay hindi lang tungkol sa kung gaano mo kamahal ang alaga mo. Kasama rin dito ang pag-alam kung kailan kailangang isipin ang ibang tao.
78 