SINITA ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos madiskubre na tatlong beses na mas mahal ang classroom na ginagawa ng ahensya kumpara sa pribadong sektor at ilang LGUs.
Sa budget deliberation ng DPWH sa Kamara, kinuwestiyon ni De Lima kung bakit P3.5 milyon ang halaga ng isang silid-aralan kapag DPWH ang nagtatayo, samantalang P2.5 milyon lang kapag DepEd ang gumagawa. Lalo pang bumaba ang presyo kapag LGUs, PPPs, o private sector tulad ng Angat Buhay Foundation, na gumagastos lamang ng ₱862,000 kada classroom.
“Kung kaya ng pribadong sektor at LGUs ng mas mura, bakit kapag DPWH triple ang presyo?” tanong ng kongresista.
Paliwanag naman ng budget sponsor ng DPWH na si Surigao del Sur Rep. Romeo Momo, nasa disenyo raw ng classroom ang diperensya ng presyo.
Ngunit pinuna rin ni De Lima na tila hindi prayoridad ng DPWH ang pagpapatayo ng classrooms dahil “wala itong kita” kumpara sa flood control projects na inuuna ng ahensya.
Nagbabala ang kongresista na kahit may dagdag na ₱22.5 bilyon sa 2026 budget ng DepEd para sa pagpapatayo ng mga classrooms, baka hindi pa rin ito maipatayo nang buo dahil hindi prayoridad ng DPWH.
“I hope iprioritize ng DPWH ang classrooms. Kasi ang impression, halos walang kita diyan, kaya hindi inuuna,” giit ni De Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
170 