PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon laban sa mga naglipanang pekeng donation drive at online scam na sumulpot matapos ang serye ng mga bagyo.
“Verify before donating. Legitimate drives come from known organizations, government, or accredited NGOs,” babala ni PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasabay ng paalala na maging mapagmatyag sa mapanlinlang na solicitations.
Inatasan ng hepe ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na tutukan ang kahina-hinalang social media pages, websites, at e-wallet transactions. Pinayuhan din niya ang publiko na magbigay lamang ng donasyon sa beripikadong organisasyon.
Nagbabala rin si PNP-ACG chief Brig. Gen. Bernard Yang laban sa mga pekeng Facebook page na gumagamit pa ng kanyang pangalan at larawan para manloko. Isang biktima ang naloko ng ₱10,000.
Mula Setyembre 1–25, bumaba ng halos 30% ang kaso ng cybercrime kumpara noong nakaraang taon, at 68 katao ang naaresto ngayong buwan.
Nanawagan ang kapulisan sa mga biktima na agad magsumbong at itabi ang anomang ebidensya ng transaksyon.
“Be vigilant. Check official announcements, verify social media pages, and confirm bank accounts before donating,” paalala ni Nartatez.
(JESSE RUIZ)
179 