SOUTH COTABATO – Napatay ng mga operatiba ang isang dating barangay chairman na umano’y miyembro ng local terror group na Dawlah Islamiyah, sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng pulisya sa bayan ng Polomolok sa lalawigang ito, noong Miyerkoles.
Kinilala ni P/Lt. Col. Alex Joe Orcajada, hepe ng Polomolok Municipal Police Station, ang suspek na si Disdado Cruz, 59, dating chairman ng Barangay Rubber, umano’y nakipagpalitan ng putok sa mga operatiba sa buy-bust operation sa Barangay Magsaysay, Polomolok.
Aniya, unang bumunot ng armas ang suspek nang mapansin nitong pulis ang kanyang katransaksyon dahilan upang mapilitang gumanti ang mga operatiba.
Ayon sa PNP, unang naaresto ang suspek noong Marso 28, 2019 sa kasong illegal drugs at illegal possession of firearms sa mismong pamamahay nito.
Ngunit agad naman itong nakalaya matapos magpyansa sa korte noong Abril 2, 2019.
Dagdag pa ni Orcajada, kumpirmadong kasapi ng Dawlah Islamiyah ang suspek, sa ilalim ng pamumuno ni Jeofrey Nilong na sangkot naman sa ilang kriminalidad tulad ng pagtutulak ng ilegal na droga, robbery at gun-for-hire.
Subalit mariin naman itinanggi ng pamilya ng suspek ang mga alegasyon na ibinabato ng mga awtoridad at nanindigan na inosente ito at walang kinalaman sa ano mang ilegal na gawain. (BONG PAULO)
155 