Pagkakahawa sa COVID-19 pinagdudahan CONVICTED EX-MAYOR SANCHEZ TATAKAS?

HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tuluyang makaalis sa New Bilibid Prison (NBP) si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez dahil sa COVID-19.

Dahil dito, hiniling ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas sa pamunuan ng NBP na agad isapubliko ang resulta ng COVID-19 test ng rape-slay convict na si Sanchez upang malaman kung talagang positibo ito sa nasabing virus.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos itakbo umano sa ospital sa Bilibid si Sanchez makaraang makitaan ng mga sintomas ng COVID-19.

“This announcement comes after reports of sudden COVID-related deaths of several other high-profile inmates in New Bilibid Prison,” ani Brosas, kaya medyo duda ang mambabatas.

“Hindi natin hahayaan na makalusot itong si ex-Mayor Antonio Sanchez lalo na’t bago pa pumutok ang COVID-19 outbreak ay napapabalita nang malayang nakalalabas ang convicted rapist-murderer na ito sa kulungan,” dagdag pa ng kinatawan ng mga kababaihan sa Kamara.

Magugunitang nalagay sa kontrobersya ang NBP noong Hulyo matapos i-report na namatay sa COVID-19 ang high profile inmates tulad ni Jaybee Sebastian at ilang convicted drug lords.

Walang naipakitang ebidensya ang NBP maliban sa abo ng mga namatay na high profile inmates dahil agad umanong ipina-cremate ang mga labi ng mga ito dahil sa COVID-19 protocols.

Kasabay nito, hiniling ni Brosas sa liderato ng Kongreso na ipasa na ang kanilang panukala na amyendahan ang anti-rape law upang hindi makatakas ang convicted rapist sa hustisya.

“This is why we’ve been pushing for the immediate passage of our amendments to the current Anti- Rape Law, which seeks to exempt rape convicts like former Calauan Mayor Antonio Sanchez and Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos from applying for Good Conduct and Time Allowance (GCTA) benefits,” ani Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

282

Related posts

Leave a Comment