HINDI INIMBESTIGAHAN NG PACC ANG KORAPSYON SA DA AT BAI

PIHADONG masayang-masaya ang pinuno ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na si Greco Belgica dahil isa siya sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng tumakbong senador sa tiket ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban).

Siyempre, malaki ang bentahe kapag tumakbong senador sa tiket ng administrasyon dahil posibleng manalo kahit tablado at kinamumuhian ng mamamayan ang kandidato.

Hindi ba’t mayroong mga nanalo noong halalang 2019 na kakampi ng administrasyong Duterte kahit hindi karapat-dapat na maging senador?

Pokaragat na ‘yan!

Kasama na sa PACC si Belgica simula nang itatag ito ni Duterte.

Hindi lang nabalita sa media kung isa sa mga inimbestigahan ng PACC ang Department of Agriculture (DA), partikular ang Bureau of Animal Industry (BAI).

Malaki ang papel ng BAI sa industriya ng baboy, manok at iba pang kaugnay na produkto, lalo pa’t mula 2019 ay malaki na ang itinaas sa presyo ng mga nasabing produkto.

Bagamat pinuno ng BAI ang DA, trabaho, tungkulin at obligasyon ng una na aksyonan ang problema sa napakataas na presyo ng baboy, manok at baka sa palengke.

Sa pamumuno ni Dr. William Dar, napakilos ng DA at BAI si Pangulong Rodrigo Duterte at ang National Economic and Development Authority (NEDA) hinggil sa importasyon ng baboy.

Maging ang Senado ay pumanig sa kagustuhan ng DA at BAI na magkaroon ng malaganap na importasyon ng baboy.

Nagkaintindihan ang mga opisyal ng DA, BAI, NEDA at mga Senador na obligadong lampasan ang minimum access volume (MAV) ng baboy upang mapababa ang presyo ng mga baboy sa palengke.

Naganap ang importasyon, ngunit napakataas pa rin ng presyo ng baboy.

Pokaragat na ‘yan!

Nangangahulugan lamang na hindi tamang solusyon ang importasyon ng baboy nang lampas sa MAV, taliwas sa iginiit ni Dar at ng BAI.

Alam naman ng mga opisyal at kawani sa BAI – maging ni Dar – na hindi solusyon ang importasyon ng baboy upang mapababa ang presyo ng baboy sa dating presyo nito.

Alam na alam ni Dar at ng mga opisyal ng BAI na kahit kailan ay hindi napababa ang presyo ng baboy, sa pamamagitan ng importasyon ng produktong ito.
Hindi naman bagito si Dar sa DA.

Naging kalihim na rin siya nito noong panahon ni Gloria Macapagal Arroyo, kaya siguradong kabisado na niya ang industriya ng baboy.

Pokaragat na ‘yan!

Kawawa ang mga mamimili ng karne ng baboy dahil sa kita nila manggagaling ang bayad sa biniling baboy.

Ang mga nagtitinda ng baboy ay tiyak na kumikita pa rin kahit tumindi ang importasyon ng baboy.

Hindi puwedeng hindi kumita ang mga manininda dahil walang saysay kung magnenegosyo sila nang hindi kikita.

Ngunit, kung kitaan lang ang pag-uusapan, pihadong napakalaki ng kita ng mga importer dahil sila ang nagtatakda ng presyo ng baboy sa palengke, sa panahong nakarating na sa mga palengke ang inangkat na mga baboy.

Hindi pahuhuli ang mga korap na opisyal sa BAI at DA sa kitaan.

Kung ang pamahalaan ay nabubuhay sa korapsyon, hindi puwedeng hindi kasali ang mga korap sa DA at BAI kapag mayroong patakaran ang importasyon, lalo pa’t pinayagan ni Duterte na lampas sa MAV ang aangkating mga baboy.

Pokaragat na ‘yan!

‘Di puwedeng walang hatag (DPWH) sa mga korap sa DA at BAI.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

136

Related posts

Leave a Comment