HABANG isinusulat ko ito umaga ng Lunes, nakatakda pa lamang sa hapon, alas-kuwatro to be exact, ang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maaga ang deadline ng Opinion Section, kaya kailangang maisulat ko na itong kolum ko dahil hindi ko na mahintay ang sasabihin at ipapangako ng ating pangulo (sa ayaw at sa gusto n’yo) na kanyang gagawin sa natitirang 11 buwan mula ngayon.
Siguro napapansin n’yo, walang ipinagkaiba ang SONA ng pangulo ng bansa sa panahon ng kampanya.
Hindi lang ito nangyayari sa panahon ni Mr. Duterte, kundi maging sa mga nakaraang pangulo ng ating mahal na bayan.
Ang pagkakaiba lang, isang tao na lamang ang mangangako sa atin ng bituin at buwan sa SONA, hindi tulad sa kampanya na malilito ka sa dami ng mga nangangako dahil napakarami ang tumatakbo.
Kapag kampanya, walang pulitiko ang walang political promises.
Ang karaniwang naririnig sa kanila ay kapag sila ang ibinoto, dadami ang trabaho, mawawakasan na ang katiwalian sa gobyerno, tataas ang sahod ng mga manggawa, magkakaron ng hustiya, ipagtatanggol ang ating bayan, peace and order, uunlad ang bayan at kung anu-ano pa.
Karaniwang naniniwala sa kanila ang mga tao, pero ‘yung pinakamatindi ang boladas ang mananalo at nagpapakita ng tapang at dedikasyon sa kampanya pa lamang, pero kapag nanalo na, hindi natutupad ang mga ipinangako nila at kung mayroon mang matutupad, mabibilang lang sa daliri ang kanilang achievements.
Muling uulitin ng nanalong pangulo ang kanyang political promises sa SONA at isasalarawan sa atin ang mga gagawin niya para matupad ang mga ipangako noong kampanya.
Sa unang SONA, ang taas ng pag-asa ng taumbayan at talagang naniwala ang lahat na gagawin niya dahil siya ang nakaupo, pero along the way ika nga nila, bihira ang pangulo na nakatupad ng kanyang political promises.
‘Yung karaniwang naririnig natin na susugpuin ang katiwalian, lahat ng naging pangulo ng bansa ay ipinangako na ‘yan, pero lahat sila ay bigo dahil tumitindi pa rin ang katiwalian sa pamahalaan.
Bakit nangyayari ito?
Maaaring ang ihinalal nating pangulo ay hindi corrupt, pero ‘yung mga nakapaligid sa kanya ay hindi tayo sigurado.
Walang naging pangulo ng bansa na hindi nasabit ang mga ‘malalapit sa kanya’ sa katiwalian.
Hindi na ako magbabanggit ng mga taong malalapit kina dating Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Benigno “Noynoy” Aquino III at Duterte ang nasabit ang pangalan sa katiwalian.
Lahat din ng mga nabanggit na dating pangulo at maging si Duterte ay nangako na pauunlarin ang bansa, pero nananatili pa rin ang matinding kahirapang nararanasan ng sambayanang Filipino.
Limitado pa rin ang oportunidad sa bansa kahit pinangakuan tayo na dadami ang trabaho kapag sila ay na-nalo, kaya milyun-milyon ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil kung mananatili sila sa Pilipinas, mamamatay silang dilat ang mata sa kahirapan.
Ang kapansin-pansin sa lahat, ang umuunlad lang ang buhay ay ‘yung mga nakasama ng mga pangulo sa pagpapatakbo ng gobyerno, pero ang mga pangkaraniwang tao na bumoto sa kanya, lugmok pa rin sa hirap.
Sana lang, huwag paasahin nang husto ang mga tao, hindi lang sa panahon ng kampanya, kundi maging sa SONA dahil lalo silang nadedepress kapag hindi natupad ang political promises.
355 