Hiwalay sa asawa, iniwan ng nobya BUHAY TINAPOS NG SEKYU

PATAY ang isang 30-anyos na security guard makaraang magbaril sa sarili sa loob ng banyo ng pinagtatrabahuang auto supply shop sa Binondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Martes.

Kinilala lamang ang biktima sa pangalang Edgard, empleyado ng Seven “B” Security and Investigation Agency, at nakadestino sa Extensive Auto Supply sa Binondo.

Base sa ulat ni Det. Erikson Aguilar ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-9:59 ng umaga noong Lunes, Marso 15, nang ideklarang patay na ang biktima sa Emergency Room ng Metropolitan Medical Center.

Ayon sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima habang tumutulong sa pagbubukas ng auto supply shop ngunit pagkaraan ay nagtungo sa vault at kinuha ang service firearm saka pumasok sa comfort room.

Nagulat na lamang ang driver ng auto supply shop na si Brian Lopez, nang marinig ang putok ng baril mula sa CR kaya kinatok ito ngunit hindi sumagot ang biktima. Bunsod nito, puwersahang binuksan nito ang palikuran at nakitang duguan at agaw-buhay ang sekyu.

Isinugod ito sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa mga kasamahan, problemado ang biktima makaraang iwanan ng kanyang nobya. Hiwalay na rin umano ang biktima sa kanyang asawa.

Anila, ilang beses nang nagtangkang magpatiwakal ang biktima makaraang iwanan ng kanyang asawa at nobya. (RENE CRISOSTOMO)

157

Related posts

Leave a Comment