GEN Z ni LEA BAJASAN
AMININ natin, hindi naman natin iniisip kung sino ang naunang humawak sa pagkain bago natin ito bilhin. Kapag gutom ka at may nakita kang mainit na hotdog sa tindahan, ang una mong maiisip ay kung ilan ang bibilhin mo. Hindi kung may gumawa na ba ng kung ano rito bago mo nakita.
Pero matapos kong makita ang video ng isang customer na dumila sa hotdog na nasa pampainit ng pagkain sa 7-Eleven at ibinalik pa ito, napaisip talaga ako. Paano mo nagagawang gawin iyon sa pagkain na alam mong maaaring bilhin at kainin ng ibang tao?
Mas nakagugulat pa na may nagbi-video habang ginagawa niya iyon. May pagkakataon siyang tumigil, pero itinuloy pa rin niya.
At dito talaga ako hindi makapaniwala.
Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng taong gumawa nito. Baka gusto niyang magpatawa. Baka gusto niyang mapansin. Baka gusto niyang kumalat ang video. Pero kahit ano pa ang dahilan, hindi ko makita kung saan naging nakatatawa ang pagdila sa pagkain at pagbabalik nito para kainin ng ibang tao.
Ang mas nakaiinis, hindi naman siya ang kakain ng hotdog pagkatapos. May ibang taong maaaring bumili nito nang walang kaalam-alam sa ginawa niya.
Iyon ang bahagi na nagbibigay sa akin ng malaking pagdududa sa mga pagkaing madaling maabot ng ibang tao.
Hindi ko sinasabing lahat ng pagkain sa mga tindahan ay dapat pagdudahan. Hindi rin ibig sabihin na dahil may isang taong gumawa nito, pare-pareho na ang ginagawa ng lahat. Pero kapag nakakita ka ng ganitong video, mahirap hindi mapaisip sa mga bagay na hindi natin nakikita.
Paano kung may gumawa rin ng ganito pero walang nakapag-video? Hindi natin alam. At iyon mismo ang nakababahala.
Kapag bumili tayo ng pagkain, umaasa tayo sa simpleng tiwala. Tiwala na maayos itong inihanda. Tiwala na maayos itong inilagay. Tiwala rin na ang ibang taong may access dito ay hindi gagawa ng bagay na makapagdudulot ng problema sa susunod na bibili.
Kaya para sa akin, hindi lang basta nakaiinis na biro ang ganitong ginawa. Nakasisira rin ito ng tiwala ng mga mamimili.
Ayon sa 7-Eleven Philippines, ang pagkaing hindi wastong nahawakan ay agad nilang itinatapon at hindi na ibinibigay sa mga mamimili. Nagbabala rin ang kumpanya na maaaring magkaroon ng legal na aksyon laban sa mga taong sadyang nanghihimasok sa pagkain.
Maganda iyon, pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang isang bagay: bakit kailangan pa itong mangyari?
Ang pagkain ay hindi laruan. Hindi rin ito dapat gawing paraan para makakuha ng ilang segundo ng atensyon sa internet.
Hindi ko alam kung ano talaga ang iniisip ng taong nasa video. Pero bilang isang taong bibili at kakain ng pagkain, ang ganitong pangyayari ay sapat na para maging mas maingat ako sa mga pagkaing madaling mahawakan ng ibang tao.
Hindi naman dapat umabot sa puntong kailangan nating pagdudahan ang bawat hotdog na bibilhin natin. Pero pagkatapos makakita ng ganitong video, mahirap ding sisihin ang mga taong mas magiging maingat.
Isang simpleng hotdog lang iyon. Pero para sa akin, ipinakita ng insidenteng ito kung gaano kadaling mawala ang tiwala kapag may isang taong hindi marunong rumespeto sa pagkain na kakainin ng iba.
69 