HINDI na ako magtataka na pagkatapos ng eleksyon ay magkakaroon ng lockdown dahil marami pa ring mga kababayan natin ang hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 virus.
Humigit-kumulang sa 110 milyon ang populasyon ng Pilipinas at kahit mabakunahan ang 90 milyon na imposible na raw mangyari hanggang sa Hunyo 30, 2022 sa panahong bababa na sa kanyang puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, ay meron pang 20 milyon ang unvaccinated.
Ibaba na lang daw ng 70-80 million ang target ng gobyerno na mabakunahang Pinoy hanggang Hunyo kaya meron pang kulang na 30-40 million na walang bakuna na vulnerable pa rin sa virus.
Huwag naman sanang ipahintulot ng Diyos, pero sa 2 porsyento lamang sa mga hindi mababakunahan ay malaking problema na ang kakaharapin na naman ng bansa natin kapag tinamaan sila ng virus.
Mula nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020, umabot sa 3.68 million ang nagkaroon ng COVID-19 at halos 60,000 ang namatay na naging dahilan ng napakahabang lockdown.
Kung magkakatotoo ang pangamba ng health experts na baka dumami ang COVID-19 cases pagkatapos ng eleksyon dahil hindi na nasusunod ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng alcohol, baka balik lockdown tayo (huwag naman sanang mangyari).
Sinasabing pitong porsyento sa mga Pinoy ang hindi na sumusunod sa health protocols o tatlo na lamang sa bawat 10 tao ang nagsusuot ng face mask habang ang natitira ay wala nang takip ang ilong at bibig.
Kaya ang pangamba ng health experts, baka magkaroon ulit ng COVID surge pagkatapos ng eleksyon na hindi malayong mangyari kung milyon-milyon pa ang hindi nababakunahan at hindi na sumusunod sa health protocols.
Lalong hindi ito malayong mangyari lalo na’t nawawala na raw ang bisa ng mga bakuna lalo na ‘yung mga gawang China na unang itinurok sa mga Pinoy at hindi pa nakakapag-booster shot.
Sa Shanghai, siguradong nabakunahan na ang mga tao dyan…siyempre ng Sinovac dahil hindi naman nag-angkat ng ibang brand ang China, pero tingnan niyo, dumami ang COVID cases dahil nawalan ng bisa o sadyang walang bisa ang kanilang bakuna.
Kung ‘yung mga taga Shanghai na nabakunahan na ay nagka-COVID pa rin, paano na lang ang mga hindi pa nababakunahan nating mga kababayan na hanggang ngayon ay takot pa rin magpabakuna o kaya hindi pa sila pinupuntahan para bakunahan.
Kailangang magkaisa pa rin talaga tayo para maiwasan ang panibagong lockdown dahil hindi na natin kakayanin lalo na doon sa mga kababayan natin na hindi kakain kung hindi maghahanapbuhay.
Maraming pilosopong tao pero kung paiigtingin ang information campaign, baka naman susunod sila sa health protocols lalo na’t nasa paligid pa rin ang virus na hinayaan ng China na kumalat sa buong mundo na ikinamatay ng 15 milyong katao at nagpabagsak sa ekonomiya at nagbaon sa utang sa halos lahat ng nasyon.
