AYAW mangyari ng PUNA na mawalan ng tiwala ang taumbayan sa ilang opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil mahalaga ang kanilang ginagampanan ngayong may pandemya.
Kaya lang wala tayong magagawa dahil may napansin ang netizens lalo na ang riders community sa pilit na ipinatutupad na paglalagay ng barrier sa mga motorsiklong single. Maraming naka-
PUNA sa patakarang ito na hindi pinag-aralang mabuti bago ipatupad ng IATF.
Dahilan ng mga opisyal na kaya nila inirekomenda ang paglalagay ng barrier para iwasan daw ang hawaan ng Covid-19 sa mga mag-asawa.
Ang dahilang ito ay hindi katanggap-tanggap sa riders community, sabi nga nila, sa motorsiklo lalagyan ng harang tapos pagdating sa bahay magkayakap na natutulog ang mag-asawa sa buong magdamag.
“Hindi praktikal at hindi kapani-paniwalang pagpapatupad ng paglalagay ng barrier sa motor”, sabi pa nila.
Ang helmet at face mask na suot ng mga nakamotor ay sapat na para maiwasan ang hawahan ng veerus. ANO pa ang silbi ng barrier? Para madisgrasya ang mga nakamotor?
Maging ang mga mechanical engineer sa Pilipinas ay nagsabi na hindi ligtas ang paglalagay ng barrier sa motorsiklong single, pagmumulan daw kasi ito ng panganib sa riders.
Maging ang ilang eksperto sa medikal ay nagsabi rin na mababa ang porsyento ng mga nagkakahawaan sa mga nakamotorsiklong single dahil malakas ang impact ng hangin at mainit dahil nakabilad sila sa araw.
At ang hindi pa matanggap ng riders na nagrerekomenda ang mga opisyal ng IATF ng barrier sa mga motor gayung hindi naman sila nakararanas na gumamit nito.
Ika nga nila wala silang alam o personal experience sa paggamit ng motorcycle single kung gaano kalakas ang impact ng hangin o ang “aero dynamics” na tinatawag.
Ngayon dahil hindi tumigil ang taumbayan sa kababatikos sa patakarang ito ay inalis na ng IATF ang paggamit ng barrier sa mga motorcycle single.
Sa panahon ngayon na marami nang mata ang taumbayan ay may tsansa ng pumuna gamit ang social media at hindi sila titigil hangga’t may nakikita silang mali.
May maganda at masamang dulot ang social media minsan ang mali ay nagiging tama at ang tama ay naging mali.
Pero sa usapin ng barrier ay talaga nga namang maraming nagsabi na mali na ayaw lang tanggapin ng mga opisyal ng IATF.
Ayon pa sa riders community hindi lahat ng mga nakamotor ng single ay mga bobo alam nila kung mali o tama ang gustong ipasunod sa kanila.
Inihayag na sa PUNA na ilang riders community ang may plano na sanang magprotesta laban sa pagpapatupad ng barrier.
Gusto sana nilang ikutin ang Metro Manila na nakamotor upang ipakita ang kanilang pagtutol sa paggamit ng barrier.
Bukod sa riders community, marami na ring naka-PUNA mula sa mga politiko sa mga lalawigan na hindi tama ang mandatory na paglalagay ng barrier.
Imbes na ipambili na lang ng noodles ng pamilya ng may-ari ng motor sabi ni Sen. Imee Marcos ay kailangan pang ilaan para sa barrier.
Hindi praktikal ngayong panahon na may pandemya ang kaliwat-kanang gastos dahil hirap na ang taumbayan wala pa silang mga trabaho.
Tulad ngayon na hindi na ipinagagamit ang barrier, paano na ang mga nakabili ibabalik daw ba ng mga opisyal ng IATF ang kanilang ipinambili?
Ay naku! Isip-isip din minsan pag may time.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
219 