MATINDING pinsala ang nakikita ni Senador Win Gatchalian na magiging epekto sa mga mag-aaral at sa kaunlaran ng bansa kung magkakaroon ng isa pang taong pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya ng COVID-19.
Kaya naman ayon sa mambabatas, mahalagang masimulan na ang pilot test ng localized at limited face-to-face classes sa low-risk areas. Una nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na may isang daan at dalawampung (120) mga paaralang lalahok sa panukalang pilot test ng face-to-face classes. Kasabay nito ang pagbuo ng joint guidelines para matiyak ang ligtas at unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.
“Dapat sa lalong madaling panahon ay bumalik na tayo sa face-to-face classes, hindi na natin kaya ang isa pang taon na walang face-to-face. Maraming magulang ang hirap, maraming bata ang hirap, at ang bata po ay hindi natututo,” ani Gatchalian.
Ngunit ayon sa mambabatas, dapat tiyakin ang kahandaan ng mga paaralang ipatupad ang mga public health protocols, kabilang ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa water, sanitation, and hygiene o WASH. Dahil sa pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant, dapat din aniyang mabakunahan na ang mga guro at mga mag-aaral, lalo na iyong mga nasa edad na labindalawa (12) hanggang labing-pito (17).
Nitong unang bahagi ng taon, isinulong ni Gatchalian ang Adopted Resolution No. 92 ng Senado. Inirekomenda ng naturang resolusyon ang agarang paglunsad ng pilot testing ng localized limited face-to-face classes sa mga low-risk areas. (ESTONG REYES)
451 