KAMPANYAHAN SA LOKALIDAD, DAPAT MAPAYAPA

BAGO TO

Sa Marso 29, aarangkada na ang kampanyahan sa lokalidad para sa mga probinsiya, bayan at siyudad at sana maging payapa at hindi madiligan ng dugo ang Halalang 2019. Ibayong pag-iingat pa rin ang dapat gawin ng mga kandidato para sa kanilang sarili dahil sa napakaruming politika sa ating bansa.

Mahalaga na bawat mamamayan ay bantayan ang kanyang boto para sa kanilang kandidato pero mahalaga rin ang buhay ng bawat isa. Ito ang hamon para sa Commission on Elections (Comelec) kung paano nito paganahin ang lahat ng kanyang puwersa kasama na ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang gawing payapa at makabuluhan ang gagawing eleksyon sa Mayo.

Bukod sa posibleng karahasang mangyari, babaha rin ang pera para sa “vote buying”. Kung paano ito mapipigilan ay, una, nasa bawat botante ang susi, at pangalawa, ang kakayahan ng Comelec na mapigilan ito.

Halimbawa, sa bayan ng Marilao, Bulacan, ngayon pa lamang ay may natatanggap na akong impormasyon ng vote buying mula sa i­lang kandidato na umano’y katunggali ni Atty. Jem Sy na kumakandidato sa pagka-mayor. Dapat ay maging vigilant ang mga botante ng Marilao laban sa mga traditional politicians na nananalo lamang dahil sa kinang ng pera.

Bagitong politiko itong si Jem Sy at batambata sa edad na 37. Siya’y isang abogada at kung siya’y tawagin ng kanyang mga kababayan ay isang pilan­tropo, mapagkawanggawa. Tinatawag siya ngayong “Batang Dalubhasa” ng Marilao.

Masusubukan ngayon ang tibay ng mga tinaguriang tradpols sa Marilao sa pagsabak ni Batang Dalub­hasa sa politika ng naturang bayan. Nakakatawa rin ang ginagawang paninira sa batang abogada sa social media na ang hindi alam ng may hawak ng Facebook page ay mas dumarami ang sumisimpatya sa sinisi­raan niya kaysa magalit sa kanya.

Samantala, dapat pag-ibayuhin ng PNP at AFP ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na idineklara ng Comelec na “election hotspots”.

Kadalasan ay palabas lamang ng mga magkakatunggaling kandidato ang pa-media nilang pagkakaisa para sa “clean, honest and peaceful election”. Photo-ops lang kadalasan ang mga ganitong eksena ng mga politiko sa harapan ng camera.

Napakarumi ang kalakaran ng politika sa ating bansa at ang taumbayan ang laging kawawa kapag ang napuwesto ay ‘yung mga gumastos ng todo sa vote buying. Siguradong sa kaban ng bayan nila babawiin ng sobra-sobra ang kanilang ginastos, sa madaling sabi, tuloy ang korapsyon sa gobyerno. (Bago to! / FLORANTE S. SOLMERIN)

290

Related posts

Leave a Comment