MARIING iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na lagyan ng closed circuit television (CCTV) camera ang lahat ng court rooms sa lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos ang pakikipagpulong ng alkalde sa mga bagong hukom na itinalaga sa Manila Regional Trial Court (RTC) at napag-usapan ang ilang mga hakbang upang maprotektahan ang mga hukom at mga kawani ng RTC at Metropolitan Trial Court (MTC).
Sa nasabing pulong, inihayag ng alkalde ang paglalagay ng CCTV cameras bilang dagdag-proteksyon.
Layunin din ng mga CCTV camera na ma-monitor ang mga nangyayari sa court room at mapigilan ang anumang krimen o banta sa buhay ng hukom at mga taong nagtutungo sa korte.
Sinabi pa ni Moreno, makatutulong din ito upang maging mabilis ang pagresponde ng mga awtoridad sa tuwing may hindi inaasahang pangyayari.
Samantala, iniutos din ng alkalde ang paglalagay ng security guards sa lahat ng mga korte sa lungsod at itatalaga ang mga ito sa entrance at exit ways nito para sa mas mahigpit na seguridad.
Maglalaan naman ng pondo para sa mas maayos na ambulansya upang mabilis na mabigyan ng serbisyong-medikal ang sinumang mangangailangan habang suportado niya ang pagtatatag ng Justice Building ng Manila RTC.
Kamakailan lamang, isang hukom ang namatay makaraang barilin ng kanyang sariling clerk of court sa loob mismo ng opisina sa Hall of Justice sa Manila City Hall. (RENE CRISOSTOMO)
178 