MAYNILAD, MANILA WATER MANANAGOT SA SENADO

maynilad1

(NI NOEL ABUEL)

TINIYAK ng ilang senador na mananagot ang Manila Water at Maynilad Water Services at hahalukayin ang kontrata at accomplishment record ng mga ito kung nanamantala sa taumbayan.

Ito ang sinabi ni Senador  Imee Marcos kung saan isinusulong nito  ang imbestigasyon laban sa dalawang water concessionaires.

Sa inihain nitong Senate Resolution 259, sinabi ni Marcos na kailangan busisiin ng Senado ang mga orihinal at pinalawig na concession agreement ng dalawang water companies upang malaman kung paano nalagay sa alanganin ang gobyerno at kung bakit hindi nila naisagawa ang kanilang mga obligasyon sa publiko.

“Itutuloy pa rin ni PRRD ang laban sa di makatarungang kontrata hinggil sa ating tubig! Kung natalo sila agad sa Round One, tuluyan pang titiklop ang mga mapagsamantala sa mga susunod na kaso,” ani Marcos.

Kinondena rin ni Marcos ang tila “social inequality” o hindi patas umano na pagpapatupad ng water supply interruption schedules ng Manila Water at Maynilad.

Inihalimbawa ng senadora ang ilang mga ekslusibong village sa Metro Manila na mayroon lang apat na oras na scheduled interruptions sa madaling araw.

Samantala, ang ilang mga lugar sa Maynila, Caloocan City, Quezon City, Valenzuela, at maging sa Bacoor at Imus sa Cavite na karamihan ay mahihirap ang nakatira ay nakararanas ng aabot sa 19 na oras hanggang 21 oras na scheduled interruptions sa buong maghapon.

Pinuna rin ni Marcos na halos huli na ng 20 taon ang dalawang water concessionaire para gampanan ang kanilang mga obligasyon sa publiko.

Nakasaad aniya sa kasunduan sa pagitan ng Manila Water at Maynilad na kapwa nila sisiguruhin ang walang patid na suplay ng malinis na tubig 24-oras, bago o pagsapit ng June 30, 2000. Tatlong taon matapos na isa-pribado ng gobyerno ang mga serbisyong pantubig.

Dagdag pa ni Marcos, hindi rin nakumpleto ng dalawang water companies ang isang sewage treatment system o sistema ng paglinis sa maduming tubig na 86 percent ay hinahayaan na lamang na maging sanhi ng malalang polusyon sa mga ilog ng Metro Manila at sa Manila Bay.

 

188

Related posts

Leave a Comment