(NI KEVIN COLLANTES)
ILANG minutong aberya ang dinanas ng isang tren ng Light Rail Transit – 1 (LRT-1) sa area ng Maynila, sa kasagsagan pa naman ng rush hour sa unang araw ng muling pagbubukas ng klase para sa School Year 2019-2020, nitong Lunes.
Sa inisyung advisory ng pamunuan ng LRT-1, natukoy na isang tren nito ang nagkaaberya sa southbound ng Pedro Gil station, kaya’t napilitan silang magpatupad ng 15kph speed restriction sa biyahe ng kanilang mga tren dakong alas-7:59 ng umaga.
Makalipas ang ilang minuto ay pansamantala na ring itinigil ng LRT-1 ang operasyon ng mga tren mula Baclaran to Roosevelt para maiayos ang depektibong light rail vehicle (LRV).
Kaagad namang nag-deploy ang LRT-1 ng mga technicians upang ayusin ang nagkaaberyang tren.
“A 15kph speed restriction has been put in place from Baclaran to Roosevelt. Technician is already on board working the fault of affected LRV. Please allow additional travel time of about 8 minutes,” paabiso ng LRT-1.
“A stop for safety has been put in place from Baclaran to Roosevelt. Technician is already on board working the fault of affected train located at Pedro Gil- Southbound. Please allow additional travel time of about 15 minutes,” dagdag pa nito.
Pagsapit naman ng 8:19 ng umaga ay naibalik na rin sa normal ang biyahe sa LRT-1, ngunit humaba na rin ang pila ng mga pasahero ng mass railway system.
Ang LRT-1 ang siyang nagdudugtong sa Roosevelt Avenue sa Quezon City at Baclaran, Parañaque City.
171