SA GANANG AKIN
MALAKING bahagi ng ating buhay ang teknolohiya dahil gamit natin ito sa araw-araw. Hindi maitatanggi na ang access sa modernong teknolohiya ay isa sa mga susi sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman patuloy ang mga miyembro ng pribadong sektor sa pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pagsusulong ng digitalization ng Pilipinas.
Batid ang kakayahang makatulong sa inisyatibang ito, suportado ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ang nangungunang infrastructure investment na kompanya na pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan (MVP), ang kampanyang GoDigital Pilipinas (GDP) na inilunsad ng Private Sector Advisory Council (PSAC).
Layunin ng MPIC na suportahan ang digitalization ng bansa gamit ang mga produkto at serbisyo ng mga kompanyang miyembro ng MVP Group na siyang nagbibigay ng access sa mamamayan sa mga modernong teknolohiya.
Ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ay sumailalim sa digital transformation noong kasagsagan ng pandemya. Inilunsad nito ang Customer Centricity Transformation Program and Digital Projects (CCTP+D) na naglalayong paigtingin ang mga platapormang ginagamit nito sa operasyon, partikular na ang mga direktang nakakaapekto sa karanasan ng mga customer.
Ipinatupad naman ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), ang nangunguna at pinakamalaking operator at taga-gawa ng expressway sa bansa, ang 100% electronic toll collection sa pamamagitan ng RFID upang mahikayat ang mga motoristang maranasan ang kaginhawaan at benepisyo ng paggamit nito.
Ang Maynilad naman ay naglunsad ng Maynilad Customer QR code na maaaring gamitin ng mga customer nito sa pakikipag-ugnayan sa kompanya. Napaka-kombinyente nito dahil hindi na kinakailangang pumunta ng mga customer sa tanggapan ng Maynilad.
Bilang bahagi ng bagong normal, nagtayo naman ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) ng mga kiosk sa iba’t ibang istasyon sa LRT-1 kung saan maaaring mag-load ang mga pasahero ng kanilang mga Beep card. Bahagi rin ng plano ng LRMC ang paglulunsad ng QR-based ticketing system ngayong taon.
Gamit ang modernong teknolohiya, inilunsad ng Metro Pacific Health, ang pinakamalaking grupo ng mga pribadong ospital sa bansa, ang mWell. Ito ang kauna-unahang healthcare app sa bansa kung saan maaaring makapagtakda ng appointment ang mga pasyente para sa konsultasyon. Mayroon ding digital medical ID ang app kung saan nakalagay ang record ng pasyente.
Hindi lamang para sa negosyo ginagamit ng MVP Group ang digitalization. Sa pamamagitan ng school electrification program ng One Meralco Foundation (OMF), ang social development arm ng Meralco, nagkakaroon ng serbisyo ng kuryente ang mga paaralan sa mga liblib na lugar sa bansa. Sa tulong din ng mga laptop na donasyon ng OMF, mayroon nang kakayahan ang mga guro at mag-aaral sa malalayong lugar na maranasan ang digital-based learning.
Ang Gabay Guro, ang advocacy organization na bahagi rin ng MVP Group, ay naglunsad ng Gabay Guro super app na nagbibigay ng access sa mga guro sa iba’t ibang learning materials na maaaring gamitin ng mga ito sa pagtuturo.
Ilan lamang ang mga iyan sa paraan kung paano isinusulong ng MVP Group ang digitalization sa bansa. Magpapatuloy ang buong MVP Group sa pakikiisa sa mga inisyatiba ng pamahalaan at sa pagsuporta sa United Nations Sustainable Development Goals (UN SDGs) partikular na sa SDG 9 – ang Industry, Innovation, and Infrastructure.
403