MARIING ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, sa lahat ng Regional Directors na magsumite ng damage assessment report para matukoy ang lawak ng pinsala ng bagyong Opong sa operasyon ng ahensya, lalo na sa mga hard-hit areas.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan ang mga RD na suriin hindi lang ang opisina kundi pati na rin ang kalagayan ng mga tauhan at kanilang pamilya upang agad na makapagsagawa ng tulong.
“Matindi ang epekto ng Bagyong Opong lalo na sa Bicol, Visayas at ilang bahagi ng Southern Luzon.
Kailangan nating malaman ang lawak ng pinsala para makagawa ng mabilis na aksyon at maipagpatuloy ang serbisyo natin sa taumbayan,” ani Asec. Mendoza.
Dagdag pa niya, tiniyak na kikilos agad ang LTO upang muling maisaayos at mapagana ang lahat ng tanggapan sa mga probinsya.
Batay sa ulat, mahigit 380,000 residente ang inilikas dahil sa pananalasa ni Opong. Pinakagrabe ang tama sa Masbate, habang apektado rin ang ilang bahagi ng Region 8, Region 4-A at Region 4-B.
“We in the LTO are family. Tayo-tayo ang unang dapat magtulungan at tumugon sa ating mga kasamahan na nasalanta ng bagyo,” giit ni Mendoza.
(PAOLO SANTOS)
