PAG-ARESTO KAY FPRRD PINAGPLANUHAN NG ‘CORE GROUP’

PUNA ni JOEL O. AMONGO

PINAGPLANUHAN at kagagawan ng “core group” ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaya tuluyang siyang naipadala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands kamakailan.

Ito ay base sa pagsisiwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, at ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isa umanong malinaw na “smoking gun”, ayon kay Senador Imee Marcos.

Si Sen. Marcos ay nagpahayag ng pangamba sa tinawag niyang “planado at labag sa konstitusyon” na hakbang na ginawa ng ilang matataas na mga opisyal ng pamahalaan kay dating Pangulong Duterte.

“Ang pahayag ni Kalihim Jonvic Remulla ng Department of the Interior and Local Government na ang umano’y planong pag-aresto ay base lang sa tsismis, ay hindi kapani-paniwala,” ani Marcos sa isang press briefing nitong Huwebes.

Dagdag pa niya, hindi umano basta tsismis ang naturang plano, at ang ‘di kapani-paniwalang pahayag ni Remulla ay lalong nagpapatibay sa kinatatakutan ng marami — na mayroon nang planong arestuhin si dating Pangulong Duterte kahit hindi pa nailalabas ang warrant of arrest mula sa ICC.

“Ang pagtatangkang pagtakpan ang mga lumabas na sa media at ang mga nangyari na ay indikasyon ng isang masusing planong pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, na nakalatag na bago pa man ang petsang nakasaad sa ICC warrant na Marso 11,” dagdag pa ng senadora.

Ibinunyag din ni Sen. Marcos na sa kanyang paunang pagsisiyasat ay lumilitaw na nakapagpasya na ang pamahalaang Pilipino na tumulong sa International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto kay Duterte, at nagsimula ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.

“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon pa kay Marcos.

Binatikos din niya ang pahayag ni Remulla na binabalewala ang isyu na tila tsismis lamang, gayung ang pagsisiwalat ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan ng umano’y maingat na pinagplanuhang hakbang.

Dagdag pa ni Marcos, ang kanyang ikatlong natuklasan ang mas nakababahala: “Mayroong lantad na paglabag sa mga karapatan ng dating pangulo. Walang inilabas na warrant mula sa korte sa Pilipinas. Ang aresto ay hindi pasok sa mga eksepsiyon ng warrantless arrest. Ito ay tahasang paglabag sa mga pananggalang ng Konstitusyon para sa kalayaan at due process.”

Nabatid din na ang kumuha ng eroplano na sinakyan ng dating Pangulong Duterte ay ang gobyerno.

Dahil sa pagkadismaya ni Sen. Imee Marcos sa pangyayari ay hindi siya sumama sa pangangampanya ng Alyansa ng Bagong Pilipinas.

22

Related posts

Leave a Comment