LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS
INIHAYAG ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na walang “sacred cows” hinggil sa isinasagawang imbestigasyon nito laban sa ilang mga opisyal at kawani ng ahensya na sangkot umano sa mga ilegal na gawain.
Tiniyak ni Nepomuceno sa publiko na ang lahat ng mga alegasyon ay pagtutuunan ng pansin at bubusisiin. Aniya, ang sinomang mapatutunayang lumabag sa batas ayon sa mga ebidensya, ay tiyak na maparurusahan, alinsunod sa nakasaad sa batas.
“We assure the public that every credible allegation will be given due attention and that anyone found to have violated the law as may be established by evidence, will be dealt with in accordance with law,” saad ni Nepomuceno.
Ito ay bunsod ng isang panawagan ni Senador JV Ejercito kay Nepomuceno na linisin ang kanyang sariling bakuran pagkatapos masangkot sa pagbebenta ng ismagel na sigarilyo ang dalawang kawani ng BOC batay sa reklamong inihain sa korte ng Metro Manila-Highway Patrol Group.
Subalit merong mga saksi mula sa Aduana na kasama pa rin si Special Agent Lucky Joy “Joy” Solmayor sa “monitoring” at “verification” sa isinasagawang condemnation activities ng ahensya sa mga nakumpiskang sigarilyo, ukay-ukay, at iba pang mga bagay sa Porac, Pampanga.
Nakakuha tayo ng isang kopya ng Mission Order na nagsasaad na gagampanan ni Solmayor at dalawang tauhan pa ng ahensya, ang kanilang tungkulin noong Agosto 3, 2026 hanggang sa makumpleto nila ang kanilang gawain. Pirmado ito ni Deputy Commissioner for Intelligence Emmanuel Luis Licup.
“Tuloy-tuloy pa rin ang trabaho niya (Solmayor). Hindi pa siguro nare-revoke ang kanyang Mission Order sa kabila ng kontrobersiya at kasong kinakaharap niya,” sabi ng source.
“Sa dami ng mga containers, hindi pa tapos ang condemnation activities. Maaaring abutin pa ito hanggang sa susunod na buwan o Nobyembre,” dagdag niya.
Nagiging palaisipan tuloy sa Aduana kung bakit ang lakas naman ng kapit nitong si Solmayor sa kabila ng mga alegasyon laban sa kanya. Lumalabas na hindi pa rin siya talaga nasisibak sa kanyang pwesto kahit meron pang isinasagawang imbestigasyon. Sabi nga sa wikang Ingles, “Your guess is as good as mine.” (ardeedellomas@yahoo.com)
68 