CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAY isang bagay na naging klaro noong unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ayaw ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na ang usapin tungkol sa bilang ng boto ay maging problema pa pagkatapos ng final verdict.
Sa simula pa lamang ng paglilitis, nag-rule si Chiz na 16 votes ang kailangan para sa conviction, batay na rin sa two-thirds ng 24-member Senate.
Hindi ito simpleng procedural detail. Mahalaga ang bilang dahil dito nakasalalay kung paano babasahin ang magiging resulta ng impeachment trial. Kaya pinili ni Chiz na maglabas agad ng formal ruling sa halip na hintayin pang matapos ang buong proseso bago harapin ang isang posibleng constitutional issue.
Ang punto niya ay simple. Kung matatapos ang testimonya, ebidensya, at argumento ng magkabilang panig, at makakapagbotohan na ang Senado, pero maaari pa ring kwestyunin ang bilang ng boto sa Supreme Court, hindi pa talaga tapos ang usapin.
“Ang pinakaayaw kong makitang mangyari, pagkatapos nating pagbotohan… hindi pa rin iyon ang tuldok sa isyu ng impeachment,” sabi ni Chiz.
“Sana kung saka-sakali, anomang pasya ng Senado, maging pinal o mapagpasyahan nang pinal ng Korte Suprema nang sa gayon, kapag ito’y pinagbotohan sa katapusan ng kasong ito, iyon na rin ang katapusan ng usaping ito,” dagdag niya.
Importante rin ang paglilinaw ni Chiz na ang 16-vote position ay isang formal ruling. Ibig sabihin, may legal remedies na maaaring gamitin ang mga partido kung gusto nilang kwestyunin ito.
Binanggit din niya noon ang posibilidad ng justiciable controversy, bagamat nananatili sa Korte Suprema ang pagpapasya kung maaari nitong dinggin ang ganitong constitutional question.
Dito pumapasok ang halaga ng pagdinig sa amici curiae o “friends of the court.” Sa halip na hintayin ang huling araw bago pag-usapan ang isyu, binibigyan na ngayon ng pagkakataon ang mga eksperto na maglahad ng kanilang legal at mathematical arguments.
Isa sa mga nagbigay ng opinyon ay si retired Chief Justice Artemio Panganiban. Sinang-ayunan niya ang kwenta ni Chiz at sinabing mathematically correct na two-thirds ng 24 ay 16. Para sa kanya, importanteng malinaw ang computation upang hindi magkaroon ng problema sa huli.
Nang itanong naman kung paano dapat mag-compute kung bumaba ang bilang ng mga senador na maaaring bumoto at magkaroon ng decimal point sa two-thirds, sinabi ni Panganiban na dapat sundin ang mathematical rules sa pag-round off.
Nagbigay rin ng kanilang mga pananaw ang iba pang dating Chief Justices.
Mahalaga ang ganitong debate dahil hindi naman kailangang hintayin ang final vote bago ayusin ang isang rule na maaaring maging sentro ng constitutional challenge.
Sa puntong ito, maaaring manatili ang impeachment court sa initial ruling ni Escudero. Maaari rin naman itong mabago matapos mapakinggan ang amici curiae at ang mga argumento ng mga kampo ng prosekusyon at depensa.
Habang walang bagong ruling na pumapalit dito, nananatiling epektibo ang 16-vote requirement.
Sa madaling salita, mas maiging harapin ang isang posibleng problema habang may panahon pang pag-usapan at linawin ito.
Dahil kung pagkatapos pa ng final verdict magsisimula ang debate kung tama ba ang bilang ng boto, maaaring matabunan nito ang mismong resulta ng impeachment trial. Sa halip na ang hatol ang maging katapusan ng proseso, maaari pa itong maging simula ng panibagong constitutional battle.
Kaya mahalaga ang ginawa ni Chiz na ilatag ang isyu nang maaga.
Sixteen votes man ang manatiling ruling o magkaroon ng ibang bilang matapos ang proseso, ang dapat maging malinaw ay ang rules bago dumating ang final vote.
At kapag tuluyang nagbotohan ang Senado, ang layunin ay dapat malinaw at ito’y ang magiging desisyon na iyon ang magsilbing tunay na tuldok sa impeachment case, at hindi panibagong simula ng debate tungkol sa rules.
342 