TARGET NI KA REX CAYANONG
SA panahon kung kailan tumataas ang bilang ng mga kaso ng mental health disorders sa bansa, mahalagang kilalanin ang mga hakbang na naglalayong tugunan ang lumalaking pangangailangan para sa serbisyong pangkalusugan sa isip.
Kamakailan, inihain ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang House Bill No. 11086 o ang Comprehensive Mental Health Benefit Act.
Layunin ng panukalang ito na masiguro ang abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa isip, maging inpatient o outpatient, para sa bawat Pilipino.
Ang mungkahing isama ang mental health package sa benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay isang makataong hakbang na tugma sa kasalukuyang hamon ng ating panahon.
Ang pagkakaroon ng mental health benefit ay hindi lamang isang panibagong serbisyo, kundi isang mahalagang pagkilala sa karapatan ng bawat Pilipinong mapangalagaan hindi lamang ang pisikal na kalusugan kundi pati na rin ang kanilang kalagayang emosyonal at mental.
Kasabay nito, ipinakita rin ni Cong. Brian Yamsuan ang kanyang malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng programang Extra Rice Program, na bahagi ng kanyang inisyatibong #AlagangCongBrianYamsuan.
Noong Nobyembre 30, humigit-kumulang 500 benepisyaryo mula sa Barangay Moonwalk ang nakatanggap ng tulong mula sa programang ito.
Ang ganitong mga proyekto ay naglalayong magbigay ginhawa sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan, lalo na sa mga nangangailangan.
Ginagawa niya ito mula sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan hanggang sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
Aba’y ito ay patunay ng responsableng pamumuno na nakaugat sa pangangailangan ng taumbayan.
Ipinakikita ni Cong. Yamsuan na ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nakikita sa mga batas na ipinapasa kundi sa direktang pag-abot sa mga tao at sa kanilang mga pangangailangan.
Sa patuloy na pagtutulungan, sama-sama nating maisusulong ang mas maayos, mas makatao, at mas makabago pang sistema ng serbisyo publiko.
Sa ilalim ng lideratong tulad ni Cong. Yamsuan, may liwanag ng pag-asa para sa isang mas maayos na kinabukasan.
