WANTED: HEALTHCARE WORKERS

KUNG pagbabatayan ang mga datos na isinapubliko ng Department of Health (DOH), tila humuhupa na ang bilang ng mga positibo sa nakamamatay na COVID-19. Gayunpaman, malinaw na nananatili pa rin ang banta ng pandemya.

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang humirit ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nagsusulong na itaas ang overseas deployment cap ng Filipino healthcare workers. Giit ng POEA, napapanahon nang pahintulutan ang pag-alis ng 7,500 healthcare workers kada buwan – katumbas ng 90,000 doktor, nars at iba pang health professionals.

Ang totoo, sadyang maraming Filipino healthcare workers ang
nagnanais na lisanin ang Pilipinas at makipagsapalaran sa ibang bansa kung saan higit na mataas ang kanilang magiging sahod.

Dangan naman kasi, ­sadyang malayo ang antas ng pasahod sa Pilipinas kumpara sa natatanggap nila sa Estados Unidos, Europa, Middle East at iba pang panig ng mundo.

Higit pa sa mababang sahod, hindi rin kainaman ang nakitang pagtrato ng pamahalaan sa hanay ng healthcare workers sa kasagsagan ng pandemya. Katunayan, hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi pa nakatatanggap ng benepisyong kalakip ng tatlong Bayanihan Laws na binalangkas at ipinasa ng Kongreso.

Ang masaklap nito kasabay pa ang kalatas ng POEA sa babalang inilabas ng mga eksperto hinggil sa diumano’y napipintong muling paglobo ng mga kaso, kasunod ng kumpirmasyon ng DOH hinggil sa pagpasok ng isang Omicron sub-variant na may apat na dobleng bagsik kumpara sa Delta variant na kumitil ng hindi bababa sa 400,000 katao sa bansang India noong mga buwan ng Hulyo at Agosto ng nakalipas na taon.

Sa pinakahuling datos ng DOH, pumalo sa mahigit 19% ang antas ng pagdami ng mga kaso sa Metro Manila, bagay na anila’y posibleng dulot ng pagdagsa ng mga tao noong araw ng halalan.

Sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), lumalabas na hindi sinasanto ng Omicron BA.4 sub-variant ang mga bakunang itinuturok kontra COVID-19.

Ang tanong – angkop bang solusyon sa mababang pasahod sa hanay ng healthcare workers ang payagan na sila ng gobyerno na makipagsapalaran sa ibang bansa?

Paano na tayo sakaling muling lumobo ang kaso ng lintek na COVID-19?

202

Related posts

Leave a Comment