BISTADOR ni RUDY SIM
“100% NOT TRUE!” ‘Yan ang buwelta ni Congressman Patrick Michael “PM” Vargas nang malagay sa listahan ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya. Ayon sa Discayas, siya raw at tatlong iba pang kinatawan ng Quezon City ay kabilang sa mga nakinabang sa kickback na aabot ng 25% mula sa flood control projects.
Para kay Vargas, malinaw ang depensa: Wala raw project ang Discayas sa kanyang distrito. Zero. Confirmed and certified, pa-anunsyo niya. May kasamang banta pa ng demanda laban sa mag-asawa. At syempre, hindi mawawala ang paboritong linya ng mga politiko: “My track record speaks for itself.”
Pero kung susuriin, anong record ang ipinagmamalaki? Kasi ayon mismo sa DPWH data, mula 2022 hanggang 2024, P3.094 bilyon ang pondo ng QC 5th District para sa iba’t ibang imprastraktura. Hindi man kasing laki ng budget ng ibang distrito, bilyon pa rin ‘yan. At gaya ng nakasanayan, malaking bahagi ay nakalaan para sa flood control.
Eto ang masakit: Halos P1.739 bilyon sa mga proyekto ay hindi pa rin tapos, nakatengga, o kanselado na. Ibig sabihin, lampas kalahati ng nailaan ang kung hindi nararamdaman ng mga tao, tuluyang nasayang. Kung ganyan ang resulta, hindi ba’t parang insulto na sabihin na “My track record speaks for itself”? Eh ang sinasabi ng record: Baha, perwisyo, at walang malinaw na direksyon kung saan napunta ang pera.
Hindi lang si Vargas ang nadawit. Tatlo pang kinatawan ng Quezon City – sina Arjo Atayde, Marvin Rillo, at Marivic Co-Pilar ay kasama rin sa listahan ng Discayas. Apat na mambabatas mula sa iisang lungsod, sabay-sabay na pinangalanan. Kung flood control ang issue, mukhang QC ang epicenter, hindi lang ng baha kundi pati na ng kontrobersya.
Sa totoo lang, matagal nang reklamo ng mga taga-QC ang paulit-ulit na pagbaha sa lungsod. May mga proyektong kita sa kalsada, may mga pagbungkal ng lupa na tila walang katapusan, may mga flood control structures na hindi gumagana at gumuguho na lamang, tulad ng nangyari sa Tullahan River kamakailan. Kung mayroon mang natapos, hindi naman ramdam. Kaya habang lumulubog ang mga residente sa ulan, lumulubog din ang tiwala ng mga tao sa mga kinatawan nila.
Mukhang tama nga ang pasaring ni Mayor Joy Belmonte sa isang panayam: May malalang sabwatang nagaganap sa gitna ng mga nasa posisyon sa gobyerno at mga contractor.
Nasa parehong sitwasyon niya ang ibang mga kapwa alkalde na ginugulat na lamang ng mga nagsusulputang infrastructure at flood control projects. Nakaiinis o nakakagalit naman talaga, dahil gaya ng sabi ni Mayor Joy, sila pa mismong mga nasa posisyon ay hindi kumikilos para ayusin ang problemang ito, namemera at ginagawang negosyo ang dapat na solusyon.
Lahat ng nadawit, iisa ang script: “Malicious, fabricated, politically motivated.” Paborito ng mga politiko ang ganitong sagot, pero hindi nito tinutuyo ang baha, hindi nito inaayos ang nasirang kabuhayan. Hindi sapat ang denial, hindi sapat ang demandang banta. Ang kailangan, malinaw na paliwanag at konkretong resulta.
Kung seryoso si Cong. Vargas at ang tatlo pang QC reps, dapat silang pumunta sa imbestigasyon, ipakita ang records, at harapin ang tanong ng publiko. Kasi sa dulo, hindi mga contractor ang nilubog ng baha, kundi ordinaryong QCitizens na nagbabayad ng buwis, nagdurusa sa trapik at baha, at naghihintay ng serbisyo na ‘di dumarating.
Hindi natatapos sa pangalanan lang ng mga Discaya ang kwento. Hindi rin puwedeng sila lang ang pagbintangan at pagkatapos ay tapos na ang istorya. Pareho silang may pananagutan: contractors na sumali sa bulok na sistema, at mga opisyal na patuloy na nakinabang dito. At higit sa lahat, may pananagutan din ang mga institusyon na pinapayagan ang ganitong klase ng modus.
Embedded na ang korupsyon sa ating sistema, pero hindi ibig sabihin dapat na nating tanggapin. Ang pondo ng bayan ay hindi dapat nalulunod sa bulsa ng iilan. Kung talagang gusto ng mga kinatawan ng QC na ipakitang malinis sila, simulan nila sa simpleng bagay: Ayusin ang problema sa baha.
Kung zero nga raw si PM Vargas sa kickback, sana zero rin ang baha sa kanyang distrito. Pero habang ganito ang nakikita ng tao: Bilyon ang nailaan, pero baha pa rin ang lumalamon sa komunidad — mahirap paniwalaan na “zero” ang lahat.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
**
