Calbayog mayor patay na, binalikan, binaril ulit – solon ‘DINOBOL KILL’ NG PULIS

(JESSE KABEL)

MISTULANG dalawang ulit pinatay si Calbayog City Mayor Ronald Aquino dahil matapos tadtarin ng bala ang sasakyan nito ay nilapitan pa umano ito ng isang pulis saka muling pinaputukan.

Ganito ang paglalarawan ni Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento base umano sa mga nakuhang video kaugnay ng madugong insidente kamakalawa na tumapos sa buhay ng alkalde, bodyguard at driver nito sa lalawigan ng Samar.

Inalmahan din ng kampo ng alkalde ang pahayag ng Philippine National Police na grupo nito ang naunang nagpaputok sa mga pulis at hindi nila alam na si Mayor Aquino ang sakay ng nakabarilang grupo.

Sa impormasyong ipinarating sa Department of Justice at sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ay sinasabing nakaabang na ang mga kasapi ng Anti-Narcotics police sa tulay ng Laboyo sa Barangay Lonoy, Calbayog City sa pagdaan ng sasakyan ng alkalde bandang alas-5:30 ng hapon.

Ayon kay Rep. Sarmiento, matapos ang putukan ay nilapitan pa ng isa sa mga pulis ang wala nang buhay na mayor at pinaputukan pa itong muli.

“Ang pinakamagandang ebidensya ‘yung videos naglalabasan. Sabihin na natin naunang pumutok si mayor. Natatawa po ako. Tingnan niyo na lang. Patay na ang mayor, may lumapit pa. Binaril pa mismo. Binalikan,” ani Congressman Sarmiento nang muli itong dumulog sa media para pabulaanan ang pahayag ng kapulisan.

Una rito, iginiit ni Lt. Col. Maria Bella Rentuaya, information officer ng Eastern Visayas Police Regional Office na gumanti lamang ng putok ang mga sangkot na police officer matapos maunang paputukan sila ng mga close-in security ng alkalde.

“Yung nag-initiate nung unang putok ay sa sasakyan ni mayor,” ani Rentuaya sa panayam sa Teleradyo.
Nabatid din na ang mga sangkot na police ay nagmula sa Police Provincial Office at walang alam ang Calabayog City Police Office sa kanilang operasyon sa area.

Kinuwestyon din ng kongresita ang sistemang ipinakita ng mga pulis. “Kung walang intensyon, kung sabihin natin misfire ito, hindi nila alam si mayor ito, ang una nilang gagawin, ng pulis, iko-cordon po, tutulungan nila si mayor, dadalhin sa ospital,” ayon pa sa Samar representative na nagbabalak ding magsagawa ng House inquiry hinggil sa insidente.

Maging ang punong himpilan ng PNP sa Camp Crame ay nagpalabas na ng pahayag na base sa inisyal na imbestigasyon ay lumilitaw na ang grupo ng napatay na mayor ang unang nagpaputok nang barilin nila ang unmarked vehicle na gamit ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group at Provincial Drug Enforcement Unit.

Ikinaila rin ng grupo ng IMEG-PDEU na si Mayor Aquino ang pakay ng kanilang operations o siya ang target, ayon sa PNP.
Bukod kay Aquino, kanyang close-in security details at driver, may dalawang pulis din na napatay sa insidente kaya umakyat sa anim ang mga nasawi.

Dahil naman sa nakitang dalawang bangkay ng pulis kaya nabistong mga pulis ang nakasagupa ng grupo ng alkalde.

“Itong mga pulis na napaslang, naka-assign ito sa probinsya. Hindi sa siyudad ng Calbayog, liwanagin po natin. Hindi alam ng chief of police ng Calbayog na may operation pala itong taga-probinsya. Talagang handang-handa. Ang intensyon talaga ay patayin ang isang ama,” ani Sarmiento.

Samantala, sinabi ni Rentuaya na iniimbestigahan din nila kung bakit nakasuot ng balaclava (bonnet) ang mga pulis at may M-203s bukod pa sa magkamukhang plaka ng sasakyan ng mga ito.

503

Related posts

Leave a Comment