NAGSALITA na rin si Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary for regional operations Roberto R. Bernardo sa harap ng pagkalat ng fake news at mga malisyosong alegasyon online na nag-aakusa sa kanya ng korupsiyon at nagpapayaman habang nasa posisyon.
Ang mga online report ay nagbigay rin ng maling impormasyon sa publiko hinggil sa kanyang katayuan bilang opisyal ng DPWH, na nagsasabing ‘sinibak’ siya ng Pangulo dahil sa mga isyu ng korupsiyon.
Bilang isang matagal nang lingkod-bayan na nagtatrabaho sa DPWH sa loob ng halos apat na dekada, mariing itinanggi ni Bernardo ang mga paratang at nagpakita ng mga opisyal na dokumento upang patunayan na ang mga ulat at akusasyon laban sa kanya ay pawang kasinungalingan, walang basehan, at naglalayong linlangin ang publiko.
Ang mga ulat na ito ay malawakang kumalat sa mga nakaraang araw, kaya naglabas si Bernardo ng pormal na pahayag upang protektahan ang kanyang pangalan at linawin ang mga katotohanan.
“The allegations being circulated against me are not only false but clearly malicious,” sabi ni Bernardo.
“There is no truth to the claim that I have been dismissed or involved in any irregularity. My conscience is clear, and the records will show that I have served this department with integrity and dedication.”
Upang labanan ang mga maling ulat, naglabas si Bernardo ng isang opisyal na Sertipikasyon na inisyu ing DPWH Legal Service, na nagpapatunay na wala siyang nakabimbing kasong administratibo.
Nakasaad sa dokumento, na nilagdaan ni Legal Service Director Gliricidia Tumaliuan- Ali at pinatotohanan ni OIC-Chief Mikhail Valodya M. Tupaz, na:
“Per records of this Office, there is no pending administrative case against ROBERTO R. BERNARDO, CESO I, Undersecretary for Regional Operations, this Department as of this date.” Ang sertipikasyon ay duly verified ng administrative officer ng ahensiya at naglalaman ng standard notice na hindi ito balido kapag binago o minanipula.
Nilinaw rin ni Bernardo na hindi siya suspendido o iniimbestigahan, taliwas sa sinasabi ng mga mapanlinlang na ulat.
Kasalukuyan siyang naka-approved medical leave, na may documentation na inihain at inaprubahan ni DPWH Sec. Manuel Bonoan. Nakasaad sa leave application na si Bernardo ay sumasailalim sa gamutan para sa isang debilitating spinal condition na nangangailangan ng physical therapy at tatlong buwang pahinga mula July 28 hanggang October 27, 2025.
Ang opisyal na Civil Service leave form, na isinumite noong Hulyo 28, 2025, ay naglalaman ng medikal na diagnosis at ang tagal ng hinihinging sick leave, na ipinagkaloob nang may buong bayad. Kasama rin dito ang pagtiyak ni Bernardo na susunod siya sa mga procedural requirements at titiyakin ang maayos na pagtatalaga ng kanyang mga tungkulin habang siya ay wala sa trabaho. Hanggang Hunyo 2025, mayroon siyang sapat na leave credits upang suportahan ang 65 working days na hinihingi.
“I formally filed for medical leave with the complete approval of the Secretary and in full compliance with Civil Service Commission regulations,” pagbibigay-diin ni Bernardo. “This is a matter of health, not of administrative discipline. Any claim to the contrary is not just misleading — it is intended to destroy my reputation and that of my family.”
Kinumpirma rin ni Secretary Bonoan na walang disciplinary o administrative action na ipinataw kay Bernardo, binigyang-diin na ang ahensiya ay nananatiling committed sa pagsusulong ng professionalism at transparency.
Habang patuloy na kumakalat ang pekeng balita online, kasalukuyang pinag-aaralan ng mga abogado ni Bernardo ang mga posibleng legal na hakbang, kabilang na ang pagsasampa ng cyber libel laban sa mga nasa likod ng pagpapalaganap ng maling impormasyon.
“This campaign of disinformation has crossed the line. I will not allow my name and service record to be tarnished by lies. I owe that much to the public and to the institution I have faithfully served for over 30 years,” aniya.
Hinimok ni Bernardo ang publiko na beripikahin ang mga katotohanan, umasa sa mga opisyal na pinagkukunan, at huwag paniwalaan ang pekeng balita na nagpapahina sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.
“Public servants are not perfect, but neither should they be subjected to trial by publicity based on lies,” dagdag pa niya.
