RAPIDO NI TULFO
HINDI pa man natatapos ang problema ng balikbayan boxes mula sa Kuwait na nakatengga pa rin sa mga bodega ng Bureau of Customs, isa na namang reklamo laban sa isang cargo company mula sa Thailand, ang aming natanggap.
Ayon sa complainant na nagparating ng kanyang hinaing sa pamamagitan ng aming official FB page na Rapido Ni Patrick Tulfo, marami raw silang naperwisyo ng Cargoplus, ang cargo company na kanilang pinagpadalhan mula sa Thailand.
Maraming insidente na raw na hindi nai-deliver at nawala ng mga ito ang mga kahon. At ang pinakahuling shipment na hindi pa nakukuha ng mga nagpadala ay isinisi ng may-ari sa Bureau of Customs dahil ito raw ang dahilan ng pagkaantala ng releasing ng containers.
Dati nang nasangkot sa kontrobersiya ang may-ari ng Cargoplus na si James Malinao Halasan noong 2018, matapos na subukan nitong magpasok sa NAIA ng 48 na karton na naglalaman glutathione at iba pang beauty products, at sinabing ito raw ay personal effects.
Ang tawag po dito ay misdeclaration kaya ito kinumpiska ng Bureau of Customs.
Ang “personal effects” ay ginagamit sa mga padala ng ating mga kababayang OFWs at ito po ay exempted sa pagbabayad ng buwis.
Kasama na ang Cargoplus sa dalawa pang cargo forwarder na inireklamo sa amin at ito ay ang TPE at ACCE cargo na nag-ooperate din sa Thailand.
Nahulihan ng marijuana ang shipments ng ACCE at TPE mula sa Thailand kaya ini-hold ito ng BOC, at ayon pa kay Asst. Comm. Jet Maronilla, may nakita rin silang mga kahon na idineklarang personal effects, samantalang nang buksan ang mga ito ay nabatid na papasok sa commercial ang estado kaya kailangang magbayad ng buwis.
