SERBISYONG MAY PUSO AT GALING NINA MAYOR ELAN AT DRA. MARICEL NAGAÑO

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA panahon ng matitinding hamon at mga maling paratang, muling napatunayan ng bayan ng San Leonardo ang tibay at malasakit ng kanilang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Elan Nagaño.

Sinasabing sa kabila ng paninira sa social media, nananatiling matatag at matagumpay ang kanyang pamunuan, na kamakailan lamang ay pinarangalan ng prestihiyosong Seal of Child-Friendly Local Governance mula sa DILG.

Isang patunay na hindi kayang baluktutin ng kasinungalingan ang katotohanan ng masipag at makataong paglilingkod.

Hindi lamang ito usapin ng parangal, kundi ng pagkilala sa tunay na diwa ng serbisyo. Ang parangal na ito ay nagpapatunay na ang mga programa ni Mayor Elan ay nakatuon sa pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan—isang mahalagang pundasyon para sa maunlad na kinabukasan ng San Leonardo, Nueva Ecija.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanyang serbisyo. Kasama si Dra. Maricel Nagaño, na ngayo’y naghahanda para sa kanyang kandidatura bilang kongresista ng ika-apat na distrito ng Nueva Ecija, ipinakita nila ang tunay na malasakit sa bayan sa pamamagitan ng makabuluhang mga proyekto tulad ng Dugong Alay, Dugtong Buhay na ginanap noong Enero 28, 2025, sa Nagaño Gym, Diversion, San Leonardo.

Aba’y sa pakikipagtulungan sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, ang gawaing ito ay naglalayong magbigay ng bagong pag-asa sa mga nangangailangan ng dugo. Isang simpleng aksyon na may malaking epekto sa buhay ng iba.

Ang ganitong mga hakbang ay nagpapakita ng tunay na liderato—isang lideratong hindi lamang nakatuon sa mga parangal kundi sa konkretong pagkilos para sa ikabubuti ng bawat mamamayan.

Masasabi na sa kabila ng mga hamon, ang pagkakaisa nina Mayor Elan, Dra. Maricel, at ng iba pang mga lingkod-bayan ay nagpapatunay na ang malasakit, dedikasyon, at pagkilos ang tunay na sukatan ng tagumpay.

Habang papalapit ang halalan, mahalagang tandaan ng mga botante na ang mga lider na tulad nina Mayor Elan at Dra. Maricel ay mga haligi ng tunay na pagbabago. Sila ang mga lider na may tapang at puso para sa bayan—mga lingkod-bayan na hindi lamang nangangako kundi tumutupad.

Patuloy nating suportahan ang ganitong uri ng pamumuno. Sama-sama nating itaguyod ang bayan ng San Leonardo tungo sa mas maliwanag at makataong kinabukasan.

47

Related posts

Leave a Comment