NABABAHALA ang grupo ng mga abogado sa sunod-sunod na pagpatay sa mga kapwa nila manananggol.
Kinondena ng mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nasa grupong National Union of Peoples Lawyers at Concerned Lawyers for Civil Liberties, ang nangyaring magkasunod na pagpaslang sa dalawang abogado.
Bandang alas-11;00 ng tanghali, nagsagawa ng kilos protesta ang grupo sa harap ng Supreme Court (SC), bitbit ang mga placard na may nakasulat na “defend, protect our lawyers” at “stop the killings.”
Maigting na kinondena ng mga abogado ang pagpatay ng mga kriminal sa mga miyembro ng legal profession sa bansa.
Mayroon din silang listahan ng mga abogado na sinasabing pinatay dahil sa trabaho, mula noong 2016 o pagsisimula ng administrasyong Duterte.
Kaugnay nito, isang liham ang ipinadala ng grupo ng mga abogado sa SC, kung saan nakasaad ang kanilang pagkabahala sa serye ng mga pag-atake sa kanilang kabaro at mga hukom, at ang epekto nito sa trabaho at independence ng mga nasa legal profession. Nalaman na mahigit sa 70 ang lumagda sa naturang liham.
Kinakalampag din nila ang mga awtoridad na tiyakin ang proteksyon sa mga abogado, hukom at kahalintulad na propesyon gayundin ang mga taong kumukondena sa karahasan at ‘impunity’.
Humingi rin ng hustisya ang mga abogado at iginiit na panagutin ang mga taong nasa likod ng mga krimeng ginawa sa mga miyembro ng legal profession. (RENE CRISOSTOMO)
