PINAGSASAKSAK ng taxi driver ang isang lalaki makaraang maaktuhan itong kasiping ng misis ng una sa kanilang silid nitong Martes ng madaling araw sa Malabon City.
Nilalapatan ng lunas sa Valenzuela City Medical Center ang biktimang si Randy Dejac, 38, helper, ng #5 Goldendale St., Brgy. Tinajeros.
Agad namang nasakote ang suspek na si Hipolito Gelicame sa kanilang tirahan sa #143 Panghulo Road, Brgy. Panghulo.
Ayon sa pulisya, pumapasada ang suspek ng kanyang taxi nang maisipang gumarahe muna dakong alas-1:35 ng madaling araw ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay may kasamang ibang lalaki ang kanyang misis.
Nang makapasok sa kanilang kuwarto ay nagulantang ang suspek nang makitang kasiping ng kanyang misis ang biktima.
Bunsod nito, nagdilim umano ang paningin ng suspek kaya kumuha ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima.
Mabilis namang lumabas ang ginang at humingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga pulis na umaresto sa suspek. (ALAIN AJERO)
