Sen. Jinggoy pinangalanan 3 opisyal ng DPWH na sangkot sa pagguho ng Isabela bridge

MANILA – Pinangalanan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y may kinalaman sa pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.

Nabunyag ang pagkakilanlan ng mga opisyal ng DPWH nang tanungin ni Sen. Rodante Marcoleta si Estrada matapos ang kanyang privileged speech noong Agosto 4, kung saan binigyang pansin ang bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.2 bilyon.

Sa pagtatanong naman ni Sen. Imee Marcos ay nilinaw ni Sen. Estrada na walang kinalaman sa pagbagsak ng tulay ang DPWH official na nagngangalang Usec. Roberto Bernardo.

Ang naturang tulay ay natapos lamang noong Pebrero 1, 2025 at bumagsak ito makaraan ang 26 araw noong Pebrero 27, 2025.

Kabilang sa mga opisyal na binanggit niya ay sina Undersecretary for Regional Operations in Luzon Eugenio Pipo Jr., Undersecretary for Regional Operations in Visayas and Mindanao Ador Canlas, at Undersecretary for Planning Service and Public-Private Partnership Service Maria Catalina Cabral.

“Malamang itong sinasabi ng ating Pangulo na pinatutungkulan niya na ‘mahiya naman kayo’ palagay ko ito pong mga opisyales ng DPWH na sangkot o kasabwat sa pagpapatayo ng collapsed bridge sa Isabela,” sabi
ni Estrada.

Iginiit din niya na bagama’t naabisuhan na umano ang mga opisyal ng mga engineer ng ahensya tungkol sa posibilidad ng pagguho ng tulay ay tila hindi ito binigyang-pansin ng mga nabanggit.

Bukod sa nabanggit na mga undersecretary, tinukoy rin ni Estrada sina Assistant Secretary for Regional Operations in Luzon Loreta Malaluan at Assistant Secretary for Regional Operations in Visayas and Mindanao Mary Bueno na umano’y may kaugnayan din sa proyekto.

Binigyang-diin ni Estrada na bukod sa mga truck driver, design consultant, at bridge contractor, dapat din umanong mapanagot ang mga opisyal na gumamit ng oversight functions sa pagpapatayo ng nasabing tulay.

“Wala tayong nabalitaan na nasuspinding opisyal ng DPWH na may kinalaman sa proyektong ito. Wala rin tayong nabalitaang inimbestigahan sila upang panagutin,” saad ni Estrada.

Sinabi ni Estrada na dapat managot ang DPWH men sa pamamagitan ng paghuli sa mga opisyal na sangkot sa plano, approval, at implementasyon ng proyekto at hindi lamang dapat habulin ang mga private contractor.

“Explain the approval process, identify the lapses in monitoring and enforcement, and most importantly, assure the public that this will never happen again – not through promises, but through concrete reforms in design, review, safety compliance, and project oversight,” dagdag pa niya.

Matatandaang gumuho ang nasabing tulay noong Pebrero 27 dahilan upang magtamo ng sugat ang anim na katao.

Kaugnay nito, una nang sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na malabong masabing “aksidente” ang insidente lalo’t may mga ulat mula sa DPWH at isang pribadong construction firm na nagsasabing may depekto na ang tulay habang ginagawa pa lamang ito.

45

Related posts

Leave a Comment