VELASCO NANUMPA BILANG LT. COL. SA ARMY RESERVE CORPS

ISA nang ganap na lieutenant colonel sa Reserve Force ng Philippine Army (PA) si House Speaker Lord Allan Velasco.

Ito ay matapos siyang manumpa at tanggapin ang kanyang ranggo mula kay PA Chief Lieutenant General Cirilito Sobejana sa isang pormal na seremonya na idinaos sa Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio ngayong araw.

“Ang seremonyang ito ay isang malinaw na pagkilala sa aking personal na nagawa at katapatan sa tungkulin. Inilalarawan ng kaganapang ito ang karangalan, at lubos ko pong tinatanggap nang may pagpapakumbaba ang pagpupugay na ito,” ani Velasco sa kanyang mensahe matapos ang panunumpa at paggagawad ng ranggo sa kanya ni Sobejana.

Pinuri ni Velasco ang PA dahil sa dakilang kontribusyon nito sa lipunan, lalo na sa kasagsagan ng mga panganib ng malalakas na bagyong nanalasa sa bansa at ang kasalukuyang pandemya dulot ng COVID-19.

Pinapurihan niya ang PA bilang huling linya ng depensa sa kanilang pagsuporta upang “mapagtagumpayan ang kapayapaan” at tulungan ang bansa na makabuo ng isang maayos at kaaya-ayang kapaligiran para mapanatili ang kaunlaran, kasama na ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

“Ginampanan ng Philippine Army ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya kahit pa napakalimitado ng kanilang mga kagamitan at nahaharap sa mga hamon at mga imposibleng pagsubok,” ani Velasco.

Idinagdag niya na “naniniwala po ako na ang kakayahan na gumawa ng mahalagang bagay at gampanan ang tungkulin nang may katapangan, ay umiiral sa inyong organisasyon. Sana ay maging inspirasyon ng marami nating kababayan ang inyong kabayanihan at katapangan na piliin ang buhay ng paglilingkod sa bansa at kapwa natin Pilipino.” (CESAR BARQUILLA)

139

Related posts

Leave a Comment