2 TIKLO SA PEKENG GOLD BARS

TIMBOG sa entrapment operation ng mga pulis ang dalawang lalaking suspek sa pagbebenta ng pekeng gold bar sa Pasay City noong Miyerkoles.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Michael Yanson at Joven Bulalacao, kapwa residente ng Villamor Air Base Village, Pasay City.

Ayon kay Pasay City Police Station Deputy chief for investigation, P/Lt. Dennis Desalisa, natimbog ang dalawang suspek sa ikinasang entrapment operation sa McDonalds, New Port City, VAB, Pasay City.

Sa salaysay sa pulisya ng biktimang si Herminigildo Besana, noong Oktubre 8, inalok siyang bentahan ng mga suspek ng isang gold bar na P7 milyon ang halaga.

Napaniwala umano ng mga suspek ang biktima na sinabihang kung magbibigay ng paunang bayad na P200K ay ipagkakatiwala sa kanya ang gold bar.

Ngunit dahil walang cash nang sandaling iyon, ang biktima ay nakipagkasundo sa mga suspek na makipagkita na lamang sa Oktubre 20 at magbilihan.

Makalipas ang ilang oras nang umalis na ang mga suspek, nagsimulang mawalan ng bisa ang tila hipnotismo at nahimasmasan ang biktima kaya bago dumating ang napagkasunduang petsa ay humingi ng tulong sa mga pulis si Besana na ikinasa ang entrapment operation.

Nakuha sa mga suspek ang P2,000 entrapment marked money at kinumpiska ng mga pulis ang pekeng gold bar.

Inamin ng mga suspek na dati na nilang trabaho ang magbenta ng pekeng gold bar na tinigilan na nila ngunit bumalik sa dating modus operandi matapos na mawalan ng trabaho ang misis sa abroad dahil sa COVID-19 pandemic. (DAVE MEDINA)

162

Related posts

Leave a Comment