AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
SANG-AYON ang “At Your Service” sa isasagawang paglulunsad ng Media Security Vanguard bilang paghahanda sa nalalapit na May 2025 Midterm Election para matiyak ang kaligtasan ng mga kasapi ng media.
Ito ay pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na may malaking papel na ginagampanan ngayong panahon ng eleksyon.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Jose A. Torres Jr., pormal nilang ilulunsad muli ang Media Security Vanguard sa pamamagitan ng nationwide press conference ngayong Martes sa PIA Auditorium, 4F, PIA Building, Visayas Avenue, Quezon City.
Pangungunahan mismo ng Presidential Communication Office; Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Commission on Election, Philippine National Police at PTFoMs ang isasagawang official relaunching ng Media Security Vanguard.
Sinabi ni Director Torres, ang Media Security Vanguards ay unang inaktibo noong Enero 2022, ayon sa direktibang inilabas ng DILG na may layuning agad na mapagkalooban at matugunan ang anomang banta o karahasan laban sa mga kasapi ng media.
“The reactivation of this initiative highlights the urgency of ensuring journalist protection during the election period,” ani PCO Secretary Jaybee C. Ruiz na isa ring dating kasapi ng media, TV news anchor, field reporter at naging pangulo ng Defense Press Corps of the Philippines.
Inaasahang dadalo at magsisilbing resource speakers sa gaganaping launching sina Jesse Hermogenes T. Andres, Undersecretary, DOJ; PCO Secretary Jaybee C. Ruiz, DILG Undersecretary Rolando C. Puno, Comelec Chairman George Erwin M. Garcia, Gen. Rommel Francisco D. Marbil, chief, PNP, at PTFoMs Executive Director Jose A. Torres Jr.
Bilang isa tayong miyembro rin ng media ay nais din natin ang kaligtasan ng ating mga kasamahan sa trabaho.
oOo
Binabati pala natin ang ating kasamahan na si Mr. Ismael “Maeng” Santos, presidente ng CAMANAVA Press Corps, sa tinanggap niyang Plaque of Appreciation mula kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Josefino Ligan.
Ang pagkilala ay ibinigay ni BGen. Ligan kay Ka Maeng noong nakaraang Abril 7, 2025 sa isinagawang flag raising ceremony sa NPD Headquarters sa Tanigue St., corner Dagat-dagatan Avenue, Caloocan City. Mabuhay ka kapatid, More power!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
