AABOT sa 38 katao, kabilang ang 14 kababaihan, ang binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District dahil sa paglabag sa curfew bagama’t binawasan na ang oras ng sakop nito, sa Malate, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.
Nahaharap ang mga nadakip sa kasong paglabag sa R.O. 8647 (Curfew hours) ang 38 indibidwal.
Batay sa ulat ng MPD-Malate Police Station 9, bandang 12:20 ng madaling araw nang mag-ikot sa Baywalk ng Roxas Boulevard ang mga tauhan ng MPD-Roxas Boulevard, sakop ng Station 9.
Nabatid sa report ng pulisya, ang mga inimbitahan sa presinto ay halos mga residente ng Baseco Compound sa Port Area, habang ang iba ay naninirahan sa Tondo, may mga nakatira sa Pasay City at sa Quezon City.
Ang pinakabatang dinala sa presinto ay isang estudyanteng babae na nasa edad 18 at ang matandang nahuli ay nasa edad 55-anyos na babae.
Ayon kay P/ Lt. Jesus Menes, block commander ng Roxas Boulevard PCP, nagsagawa sila ng “Oplan Galugad” para sa pagpapatupad ng General Community Quarantine dahil sa COVID-19, at iba pang City Ordinance, ayon sa kautusan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Nauna nang ibinaba sa alas-12:00 am hanggang 4:00 am ang curfew sa Maynila.
Gayunman, matapos i-blotter sa presinto, pinalaya rin ang nahuling mga pasaway habang maghihintay ang mga ito ng subpoena. (RENE CRISOSTOMO)
258 